Proudly Pinoy!

NOONG namatay ang nakababata kong kapatid, nadiskubre namin na mahilig pala siyang magbasa ng komiks. Noong inaayos na namin mga gamit niya, doon namin nakita ang kanyang koleksyon ng mga komiks. Ito yung mga “Spiderman”, “X-Men”, “Batman” at iba pang mga karakter na hindi ko na kilala. Si Zuma lang kasi ang kilala kong karakter ng komiks noong araw! Sinimulang basahin ng kuya ko ang mga komiks, at hindi nagtagal, siya na ang nagtuloy ng koleksyon. Mga anak naman niya ngayon ang nagtutuloy nung inumpisahan ng kapatid kong si Ramon Jr. Dito ko nalaman na ma­raming Pilipinong artist at illustrador ang gumuguhit ng mga imported na komiks, partikular mga Marvel at DC.

Sa totoo nga, marami nang mga Pilipinong mang­guguhit ang nasa industriya ng komiks at animation sa ibang bansa. Marami ang gumagawa ng mga drawing para sa Disney, Pixar, Dreamworks, Marvel, DC, Image at iba pang kumpanya. Kung magtitiyaga ka lang basahin ang mga pangalan sa katapusan ng mga sine katulad ng “Toy Story”, siguradong may makikita kang maraming Pilipinong pangalan. Ngayon, isang karakter sa komiks na ginuhit ng isang Pilipino ang ginawang sine na rin ng Hollywood.

Si Jonah Hex ang pinaka bagong karakter ng komiks na binigyang buhay sa sine. At ang gumuhit sa kanya na si Tony De Zuniga ay tuwang-tuwa na pinili ang kanyang karakter para sa kuwento. Matagal na niyang ginuguhit si Jonah Hex, isang koboy na manghuhuli ng kriminal. Ang kanyang di malilimutang katangian ay ang kanyang mukha na parang mukha ng isang inaagnas na bangkay! Parang gusto ko nang panoorin ang sine para makita kung paano ginawa ng mga make-up at special effects ang kanyang mukha!

Marami talagang mga magagaling na artist sa Pilipinas. Maging sa pag-aaawit, paglalarawan, pati na sa paggawa ng peli­kula. Kailangan lang talaga ng pagsisikap at pagpursigi. Mga kuwento nina Charice Pempengco, Arnel Pineda at nga­yon, Tony De Zuniga ang patunay na magaling ang Pilipino sa maraming bagay. Mga bagay na maipagmamalaki nating lahat!

Show comments