SA website ng America’s Most Wanted, makikita ang listahan ng mga criminal sa Estados Unidos na kasalukuyang hindi pa nahuhuli at pinaghahanap ng mga alagad ng batas.
Makikitang nakabalandra ang pagmumukha, buong pangalan, nasyonalidad, mga palatandaan sa katawan at mukha, maging aliases ng mga Most Wanted criminal.
Isa itong paraan ng panghihikayat sa lahat ng mamamayan hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa buong mundo na magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga ito.
Sa Northern California, City of South San Francisco kung saan naroon ang BITAG isang buwan na ang nakakaraan, isang Pilipino ang nasa kanilang Most Wanted List.
Siya si Virgilio Teruel, American Citizen na ngayon dahil sa tagal ng kaniyang pagtira sa South San Francisco, California.
Si Virgilio Teruel ay pinaghahanap ng South San Francisco Police dahil sa krimeng embezzlement, sa Pilipinas, katumbas nito ay qualified theft.
Sa impormasyong nakalap namin mula sa South San Francisco Police, isa lamang si Teruel sa 3 suspek sa krimeng ito.
Ang dalawa, kasalukuyang nasa State Prison na ng California. Habang si Teruel, tumakas at bumalik ng ating bansa kung saan nagtatago ngayon sa Brgy. Sacrifice Valley sa Bataan.
Itinip sa BITAG ang kasong ito kung saan isang nagngangalang APO ang dumating sa aming tanggapan.
Dala ang mga dokumento at kopya ng video ng pangha-harass ni Teruel sa bayan ng Brgy. Sacrifice Valley, Bataan, ipinagkatiwala sa amin ni APO ang kaniyang mga impormasyon hinggil sa Wanted na si Virgilio Teruel.
Ayon kay APO, nagmula si Teruel sa isang maimpluwensiyang pamilya sa Bataan. Ang kapatid nito ang namumuno raw sa isang simbahang grupo ng mga mananampalataya sa Diyos.
Dati, iganagalang raw ang kanilang pamilya. Subalit nang magsimula ang Wanted na si Teruel nang kaguluhan sa kanilang lugar, marami ang naapi, na-abuso at naharass ito.
Ipinakita sa BITAG ni APO ang isang papel mula sa website ng South San Francisco Police kung saan naka-post ang mukha at buong pangalan ni Teruel bilang pangalawa sa kanilang Most Wanted.
Abangan ang karugtong…