EDITORYAL - Patuloy ang pagbiyahe ng mga 'kabaong'
NAWALAN ng preno ang bus kaya nahulog sa bangin o bumangga sa poste. Iyan ang la-ging dahilan kaya nagkaroon ng aksidente. Ang resulta, pagkamatay ng mga pasahero. Sila ang lagi nang natatalo sapagkat walang ginagawang hakbang ang mga awtoridad para maipasara ang mga “bumibiyaheng kabaong” o “pumapasadang kabaong”.
Kung ang Department of Transportation and Communication (DOTC), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang Land Transportation Office (LTO) ay ginagawa ang tunay nilang tungkulin, mababawasan ang mga malalagim na aksidenteng nangyayari sa kalsada. Pero manhid o makakapal na ang mukha ng mga pinunong nasa nabanggit na mga tanggapan. Kapag may nangyaring trahedya saka lamang sila kumikilos at kunwari’y naghihigpit, pero makalipas ang pangyayari, balik na naman sa dating masamang gawi.
Katulad nang nangyaring malagim na aksiden-te sa bus sa Balamban, Cebu noong Linggo ng umaga. Nahulog sa bangin ang Cattleya Tourist Bus at 20 pasahero ang namatay. Ang mga namatay ay pawang Iranian at postgraduate Interns ng Gullas College and Cebu Doctors University. Ayon sa report, patungo sa isang lugar para sa kanilang one day outing ang mga pasahero nang maganap ang aksidente. Binabagtas ng bus ang matatalim na kurbada palusong nang mawalan ito ng preno at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin. Laging ang pagpalya ng preno ang karaniwang dahilan ng aksidente. Ibig sabihin, nagkulang ang mga kompanya ng bus sa pagmimintina ng kanilang sasakyan. Nang ibiyahe nila ang sasakyan, hindi nila siniguro kung maayos ang pagtakbo at hindi magkakaaberya.
Kung talagang umaakto ang DOTC, LTFRB at LTO, bakit hindi nila ipasara ang mga bus company na hindi sumusunod sa tuntunin? Bakit patuloy na nakapagbibiyahe ang mga “Kabaong Bus Company” at nagbubuwis nang maraming buhay?
- Latest
- Trending