ONE hundred day media honeymoon? Siguro kay P-Noy. Pero mukhang hindi kay B-Nay. Sa pambibira ngayon sa ating bagong halal na Bise-Presidente, malinaw na out ito sa tradisyonal na palugit na binabalato sa mga bagong opisyal.
Ang putik na pilit tinatapon sa kanya ay iyon ding mga paulit-ulit nang sinaboy nung kampanya. Mga kaso raw ng korapsyon nung siya’y nanunungkulan bilang mayor ng Makati. Sa totoo lang ang kanyang tagumpay ay malinaw na hatol ng bansa – para sa ating mga Pinoy, si B-Nay ay pagkakatiwalaan.
Pero ibahin si Mrs. Winnie Monsod. Warningan ba naman si P-Noy laban kay B-Nay. Hindi ko yata magets, Mare. Kami, alam namin lahat na ang mga kasong hinaharap ng ating Bise-Presidente ay resulta ng garapal na pang-iipit ng administrasyong Arroyo sa isang taong naninindigan nang ang karamihan ay nagpikit-mata. At binasura na ito ng Sandiganbayan. Sino ang makakalimot sa sapilitang pagsususpinde noong 2006 kay Mayor B-Nay? A-la Rambo tuloy na nagsuot ng kanyang fatigue uniform ang reserve Navy Colonel. At ang unang-unang nagpahayag ng suporta at tiwala ay walang iba kung hindi si Pres. Cory Aquino. Ang mga paratang sa BIR? Suportado ng palsipikadong dokumento. Nang ang lahat ay tumiklop sa panakot ng Malacañang, hindi ba si Mayor B-Nay lang ang nagmatatag na kilalanin ang karapatan nating magdemonstrasyon sa kanyang lungsod?
Sa mga nanindigan sa dilim nung panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, si B-Nay ay B-Yani. At mahirap tanggapin na ang paninira sa isang haligi ng oposisyon ay manggaling sa isang orihinal na haligi ni GMA. Si Mrs. Monsod ay bahagi ng 2001 senatorial slate ng People Power Coalition (PPC). At sa 12 kandidato ng GMA, panghuli sa lahat ang dating sa meta ni Mare. Translation: Mas tiwala po kami kay B-Nay kay sa inyo.
Napapaghinalaan tuloy na iba ang motibasyon ng peryodista. Kaya pati ang koneksyon ng kanyang pamilya kay Sen. Mar Roxas ay naungkat. Pangit itong pakinggan lalo na sa isang taong inidolo at hinangaan na walang kinikilingan.
Hinay-hinay kay B-Nay. Honeymoon muna Mare!