Balik-school

NGAYON ay dagsa ang mga estudyante para sa schoolyear 2010-2011. Ito ay bagamat may ilang pa­aralan na nauna nang nagsimula ang klase noon pang isang linggo. Sa ulat ng Department of Education (DepEd), tinatayang 24.4 milyong estudyante sa elementarya, high school at pre-school ang bubuhos ngayong schoolyear. Humigit-kumulang na 21 milyon umano rito ay sa mga pampublikong eskuwelahan.

Ayon sa kagawaran, patuloy na dumarami ang mga estudyante ng private schools na inililipat ng kanilang mga magulang sa public schools dahil nahihirapan na sila sa malaking gastos sa pribadong edukasyon. Dagdag ng DepEd, ginagawan nila ng paraan na maihanda ang kumpletong bilang ng mga guro, textbooks at pasilidad sa mga public school upang ma-accomodate ang lahat ng mga gustong mag-aral dito, habang pinipilit din ng kagawaran na maabot ang itinuturing nito na ideyal na 45:1 students-per-classroom ratio.

Ayon sa Philippine National Police at mga opisyal ng barangay, kasado na ang kanilang mga tauhan at sistema ng operasyon para sa pagtitiyak ng seguridad ng mga estudyante laban sa masasamang-loob na posibleng magsamantala o mambiktima sa kanila. Kapag ganito kasing pasukan ay naglipana na naman ang mga snatcher, holdaper, mga nangingikil at pati ang mga nananakot, nambabastos at nanggugulo sa mga estudyante. Nariyan din ang mga adik, basagulero, ilang magugulong gang at fraternity at iba pang nagbibigay ng masamang impluwensya sa mga estudyante. Bukod dito, dapat ding ayudahan ang mga estudyante sa problema sa trapiko at sa epekto ng tag-ulan at mga baha.

Kami ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Es­trada ay nananawagan sa DepEd, PNP, mga opisyal ng barangay at sa lahat ng mga kinauukulan na pag-ibayuhin pa ang kanilang mga hakbangin para sa ligtas, produktibo at mapa­yapang pag-aaral ng ating mga estudyante. Tayo ay magtu­lung-tulong sa pagba­bantay at panga­ngalaga sa mga estudyante.

Show comments