Lantarang Lutuan.

PATUNG-PATONG na pagluluto ang ginawa sa kaso ng na-gang rape sa Hermosa, Bataan na si Baby.

Nagsimula noong 2006 kung saan unang inilapit ang kaso sa tanggapan ng BITAG. Nasa hot pursuit pa sana ang sitwasyon ng mga suspek nang isuplong sa pulis ng magulang ni Baby ang panggagahasa.

Imbes na hulihin at ikulong ng mga pulis Hermosa ang mga suspek, kinutya pa ni SPO4 Nicanor Leyba ang biktima at magulang nito. Ipakasal na lang daw ang nanggahasa sa biktimang noo’y disi-sais anyos pa lamang na si Baby.

Sa makatuwid, hindi hinuli ang mga suspek at pagkalampas ng 36 oras matapos maganap ang krimen, malayang namumuhay hanggang sa kasalukuyan ang 4 na suspek.

Ang mga saksi na nakarinig at nakakita sa pangyayari, imbes pumanig sa biktima, dahil kamag-anak sila ng mga suspek, sinisi pa ang dalaga sa sinapit niya.

Sa halip na si Baby ang magwala at humingi ng hustisya, ang mga taga-suporta ng pamilya ng suspek, nagwelga at nag-ingay na kasinungalingan raw ang krimen.

Nagsampa ng kaso ang biktima sa piskalya, kasabay nito hiniling din niya sa Department of Justice, Hulyo ng 2006 na ilipat ang paglilitis ng kaso sa DOJ, Manila.

Ito’y dahil sa kuyugang nagaganap sa Hermosa, Bataan. Isa na ring dahilan ay ang pagiging ma-impluwensiya ng magulang ng mga suspek dahil anak ito ng mga may katungkulan (pulitiko) sa nasabing bayan.

Ang sistema, naging adelantado ang Balanga Bataan Fiscal na si Joey Saldaña, Agosto pa lamang ng 2006 ay nagdesisyon itong ibasura ang isinampang kaso ni Baby.

Subalit ngayong 2010, ibinasura ng DOJ ang desisyon ni Fiscal Saldaña sa kaso ni Baby dahil naaprubahan na sa wakas ang hiling ng biktimang “change of venue”.

Marami pa ang mga katulad ni Baby na biktima ng seksuwal na pang-aabuso at panggagahasa kung saan ang kanilang mga kalaban, maimpluwensiya at kayang baliktarin ang batas.

Sisiguraduhin ng BITAG na hindi ito mangyayari sa kaso ni Baby dahil bagaman siya’y nasa hustong gulang na ngayon, patuloy naming tututukan ang pag-usad ng kaniyang kaso.

Show comments