Mahirap talaga bumitiw sa kapangyarihan. Kailangan lang natin tumingin kay Pangulong Arroyo na namuno ng siyam na taon, na kwestyonable ang mandato sa nakaraang anim na taon. Dahil ayaw ngang lubusang mawala ang kapangyarihan, tumakbo sa kanyang balwarte bilang kongresista. Natural nanalo, kaya tatlong taon naman siya nasa Mababang Kapulungan. Sigurado lulubusin niya ang tatlong terminong pinapayagan ng batas na maging kongresista. Kaya siyam na taon muli para sa ikalawang distrito ng Pampanga!
Kaya siguro may mga miyembro ng kanyang gabinete na ayaw ring bumitiw sa pwesto. Mga nagpaparinig, o nangangatwiran sa papasok na administrasyon na maganda ang kanilang nagawa habang sila’y nanungkulan bilang ganito at bilang ganoon. Isang halimbawa ay si Ephraim Genuino ng PAGCOR. Ngayon pa lang ay binibida na ang kanyang mga “nagawa” bilang chairman ng PAGCOR. At tila may hiling pa kay P. Noy na manatili bilang chairman ng PAGCOR.
Malaking responsibilidad ang PAGCOR, dahil walang iba kundi pera ang pumapasok sa ahensiyang ito. Sila ang nagpapatakbo ng mga casino at lotto sa buong bansa. Ang taong namumuno nito ay dapat walang bahid ng anumang anomalya at katiwalian, dahil malakas ang tukso na gamitin ang mga bilyones para sa maling pamamaraan, pati na sa sariling benepisyo lamang. At ganito ang tila lumalabas kay Genuino ngayon. May mga lumalabas na balita na ginamit niya umano ang PAGCOR para sa mga interes ng kanyang pamilya. Sa suspetsa pa lang ng ganitong klaseng anomalya, dapat lang na bumitiw na siya sa tungkulin para magkaroon ng maayos at walang kinikilingang imbistigasyon.
At karapatan naman ng papasok na pangulo ang mamili ng sariling miyembro ng kanyang opisyal na pamilya. Kaya delikadeza lang ang mag-sumite ng mga courtesy resignations. Pero marami sa administrasyong Arroyo ang ayaw o pinigilan gawin ito ng paalis na pa-ngulo, katulad ng mga ambassador ng Pilipinas ng iba’t-ibang bansa. Mas onorable naman ang mag-sumite na lang ng courtesy resignations, kaysa masabihan na umalis na sa kanyang pwesto, di ba? Marami pa rin siguro ang hindi makapaniwala na tapos na ang masasayang araw ng administrasyong Arroyo. Na malaki ang posibilidad na humarap sa tugtugin, kung may mga nagawang hindi tama habang nasa pwesto. Kaya siguro ayaw bumitiw sa mga pwesto! Ang kapangyarihan nga naman, napakahirap bitawan!