Mga bolitas sa mukha

(Huling Bahagi)

NUNG Biyernes naisulat ko ang grabeng sinapit ng isang 22 taong gulang na gwardya na si Eric Aurellana.

Nabutas ang mukha ni Eric at natapiyas ang kanyang ilong matapos barilin ni Mark Kenneth “Mark” Agliam, isa ring gwardiya dahil sa sobra umanong kalasingan.

Isinalaysay namin ang umano’y tunay na nangyari base sa kwento ng tiyahin ni Eric na si Emilita at ni Gerardo, ama ni Eric.

Ika-13 ng Abril, bandang 11:30 ng umaga sakay ng motor, nag-iikot sa village si Eric. Tumigil siya sa Espejo St. upang makiinom ng tubig. Nakasalubong niya si Mark at Noel na lasing na lasing. Kinuha niya ang hawak na ‘shotgun’ na hiniram sa kanya ni Mark.

Bago pa ibigay ni Mark ang baril, pinaglaruan pa umano niya ito. Tinanggal ni Mark ang tatlong bala ng shotgun. Naiwan ang isang bala. Bigla nitong tinutukan si Noel. Agad itong inawat ni Eric. “Sir, huwag!”. Sagot naman ni Mark, “Joke lang!”.

Binalik ni Mark ang baril at bala kay Eric. Ini-‘load’ ulit ni Eric ang magazine. Wala pang ilang minuto, kinuha na naman sa kanya ni Mark ang baril. Si Eric naman ang tinutukan. Pabiro lang naman ito kaya’t umupo na lang siya sa isang tabi.

Habang nagpapahinga si Eric at nagbabasa ng ‘text’. Muling tinutok ni Mark ang baril sa kanya. Dinedma ulit ito ni Eric hanggang naramdaman nalang niyang nahirapan siyang huminga.

Dumilim rin ang kanyang paningin at hindi na nakakita. Dahan dahan siyang bumagsak sa semento. Hinawakan niya ang kanyang mukha at naramdaman niya ang patuloy na pagbulwak ng dugo. Grabe ang sakit na kanyang nadama.

Taliwas naman lahat ito sa pahayag ni Mark. Ang mga sumusunod ay base sa kontra salaysay ni Mark:

Nang parehong araw at bandang 2:00 ng hapon habang nakaupo si Mark sa tapat ng bahay sa Espejo St., kung saan siya tumutuloy, dumating si Eric at pumasok sa bahay upang makiinom ng tubig.

Kinuha naman siya ng isang basong tubig ni Johnny Albaladejo, kanilang kasambahay. Pinaghintay si Eric sa loob ng bahay.

Habang papasok ng bahay si Eric, pinahawakan ni Eric kay Mark ang inisyung shotgun sa kanya. Tumanggi naman si Mark na hawakan ito dahil hindi siya duty ng araw na iyon at hindi siya nakauniporme.

Sinabi niya kay Eric na dalhin na lang ang ‘shotgun’ sa kanya subalit nagpumilit si Eric. Tinanggal nito ang bala ng shotgun at ibinulsa.

Nang maalis ang bala agad itong iniabot ni Eric sa kanya. Bigla nalang itong nabitiwan at pumutok.

Sinubukan saluhin ni Mark ang shotgun subalit hindi niya ito nasalo. Bigla itong pumutok direkta sa mukha ni Eric. Dito na nawalan si Eric ng malay.

Matapos nito’y nakita na niya ang kanyang employer na si Fely A. Mariano na nakadungaw sa bintana upang sili­pin kung anung nangyari.

Nakita ni Fely ang noo’y naliligo sa dugong mukha ni Eric agad nila itong itinakbo sa ospital kasama ang isang drayber.

Sinurender naman umano ni Johnny ang shotgun kay Mr. Hermoso Tabancay, isang retired army colonel na residente rin sa Don Jose Heights Subd. Rumisponde naman ang mga pulis, agad siyang dinala sa Batasan Hills Police Station (PS-6) para makuhanan ng statement.

Tahasan din sinabi ni Johnny sa kanyang affidavit na ma­talik na kaibigan niya itong si Eric at ang nasabing insi­dente ay isa umanong aksidente. Aksidente umano itong pu­mutok habang hawak ng biktima.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES ang mga pahayag ni Mark ay sadyang “self serving” dahil sino naman ba ang aamin na dahil sa kalasingan niya binaril niya itong si Eric?

Para sa akin mas malapit sa katotohan o na dahil sa kalasingan nitong si Mark at pilit niyang kinukuha ang shotgun na dala ni Eric, tinanggalan ito nung huli ng bala at pagkatapos iniabot sa kanya.

Sinabi ni Mark na ibinalik niya ang mga bala at sa puntong ito maaring dito na inagaw nitong si Mark ang shotgun.

Dahil mas mataas ang ranggo (assistant OIC) itong si Mark napikon ito sa inasta ng isang gwardyang bata na higit na mas mababa sa kanya kaya itinutok niya ang shotgun at binaril itong si Eric. Kayo naman dyan sa El Grande Agency obligasyon ninyong tulungan si Eric dahil sa oras ng trabaho ng mangyari ang insidente.

Kung “off duty” man siya gaya ng sinasabi niyo at si Mark ang “on duty” responsibilidad pa rin ninyo dahil ang baril ninyo ang na-i-involve dito. Hindi man sa kasong criminal kundi maari din sa kasong sibil.

Wasak ang ilong ni Eric, sa ngayon maselan ang kan­yang kundisyon. Apektado na ang kaliwang mata nito kung saan lumusot ang bulitas, pati kanang mata niya nadamay na. Hindi ba’t dapat ay asistahan niyo si Eric lalo na sa ganitong kundisyon?

BILANG agarang tulong kay Eric binigyan namin siya ng referral sa tanggapan ni Chairman ng Pagcor si Ephraim Genuino para maoperahan siya agad bago tuluyang mabulag.

(KINALAP NILA MONIQUE CRISTOBAL AT DEN VIANA)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.

Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din kami tuwing SABADO mula 8:30am- 12:00pm.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments