DAHIL sa magandang feedback na natanggap ng BITAG sa ginawang Fil-American Cops noong nakaraang taon, masuwerteng naisagawa muli namin ito ngayong 2010.
Kadarating lamang ng BITAG nitong nakaraang linggo mula sa Estados Unidos partikular sa California kung saan maraming Pilipino ang nagtatrabaho at naninirahan dito.
Ipinagpapasalamat ng BITAG ang mainit na pagtanggap ng Chief of Police ng South San Francisco Police Department at Daly City Police Department sa aming grupo.
Pinaunlakan nila ang BITAG na pasakayin sa kanilang mga patrol car kasama ang mga Fil-American Police ng kani-kanilang Police Department. Ito ang ride-along.
Unang nakasama ng BITAG si Officer James Delos Santos, dalawang taon pa lamang na patrol officer ng South San Francisco Police Department.
Isa lamang si Officer Delos Santos sa one fourth na mga Fil-American na pulis na bumubuo sa South San Francisco Police.
Bagamat hindi marunong mag-Tagalog ang batambatang patrol officer, kakikitaan sa kanya ang tatak ng pagiging isang Pilipino.
Nakitaan ng BITAG ng diplomasya ang estilo ni Officer Delos Santos. Apat na tawag mula sa 911 ang kanyang narespondehan kasama kami sa loob lamang ng tatlong oras.
Samantala, nakilala na ng BITAG noong nakaraang taon si Officer Ed Gregorio ng Daly City Police Department. Marunong itong umintindi at magsalita ng ating wika.
Sa mga Fil-Am cop ng Daly City Police Department, si Officer Gregorio lamang ang marunong umintindi at magsalita ng Tagalog.
Tatlo naman ang mga kasong nirespondehan ng Daly City Police kasama ang aming tropa kung saan ang mga ito ay nasa temang domestic violence.
Isa rito ay away ng dalawang Pilipina kung saan nagkasakitan ang dalawa dahil lamang sa isang lalaki.
Habang ang pangalawang responde, kaso ng isang Pilipinang inirereklamo ang pang-aabuso ng kanyang asawang dayuhan.
Lahat ng ito, matagumpay na naidokumento ng BITAG dahil na rin sa hiling ng marami na isagawa muli namin ang dokumentasyong ito.
Ngayong Sabado sa BITAG ang kabuuan ng Fil-American Cop ride along sa taong 2010. Abangan!