Kung may pagbabago akong gustong makita sa bagong administrasyon, ito ay ang lubos na pagpapatupad ng PD 96. Ito yung batas na nagsasaad na bawal ang mga hindi otorisadong sasakyan na gumamit ng mga sirena, wangwang, ilaw at kung ano pang mga maiingay na gamit para lang makalamang sa trapik. Alam na natin ang reklamong ito. Sa administrasyon ni Arroyo na yata pinakalaganap ang abusadong paggamit ng mga wangwang at flasher.
Kadalasan mga opisyal ng gabinete tulad ni dating DOJ Sec. Raul Gonzales at si dating MMDA Chairman Bayani Fernando, pati na mga kaalyado nito sa Kongreso at Senado. Meron nga mga empleyado lang ng isang kagawaran, o kaya mga mayayamang kaibigan ng Unang Pamilya! Pati mga boluntaryo lang sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno may mga sirena!
Ang nakakainis pa, sinasaluduhan pa ng mga MMDA at pulis kahit alam na bawal! Ito ang gusto kong makitang mabago – ang mawala na nang tuluyan, at hindi sa umpisa lang, ang mga bawal na sirena at flasher sa mga di opisyal na sasakyan. Kung si Sen. Noynoy Aquino ay pumila ng apat na oras para bumoto, dapat lahat ng nasa ilalim niya ay sumunod sa kanyang ehemplo. Hindi dapat tanggapin ang dahilan na nagmamadali, kasi pwede naman talagang lumakad ng maaga. Nabuhay rin naman sila noong wala pang mga sirena at, oo nga pala, mga escort na pulis, anong pagkakaiba ngayon?
Grabe talaga noong administrasyon nina Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi lilipas ang isang araw na hindi ka makaka-enkwentro ng isa o ilang mga sasakyan na nanghahawi sa lahat para makadaan lang, kahit sa pinaka makapal na trapik! Kapag nagpakita ka naman na papalag ka sa pang-aabuso nila, papakitaan ka ng baril! Kung gusto talaga maiba ang administrasyong Aquino sa administrasyong Arroyo, pwedeng mag-umpisa sa maliit na bagay na ito.
Mga tila maliliit na bagay katulad nito ay ikatutuwa ng mamamayan kapag pinatupad na nang husto. Pantay-pantay sa kalye, walang lamangan. Matagal nang batas ang PD 96, panahon pa ni President Marcos. Sa panahon niya, bagama’t bakal na kamay ang ginamit na pamamaraan, lahat sumunod sa batas na ito. Kung hindi ba bakal na kamay ang magpapatupad, hindi na ba susundin?