Áng Balanghai boat sa Butuan

Nang pumunta ako sa aking hometown sa Butuan City, nadalaw ko ang museum kung saan naka-display ang bantog na Balanghai boat na na-diskubre roon maraming taon na ang nakalilipas. Sana ang karamihan ng mga Pilipino ay madalaw din ang boat na ito, dahil mahalaga ito sa ating kasaysayan.

Dalawa ang pumasok sa aking isipan nang makita ko ang boat na ito. Una, naisip ko na naging sentro na talaga ng komersiyo ang Pilipinas noong unang panahon, kahit noon pa na hindi pa naitatag ang Republika natin. Pangalawa, naisip ko na kahit noong unang panahon pa, gumagawa na ang mga Pilipino ng mga sasakyang pandagat, at noon pa man, naging hanapbuhay na talaga ng mga kalahi natin ang pagiging marino.

Ano kaya ang dapat nating gawin upang maging sentro ulit ng komersiyo ang Pilipinas? Ano rin kaya ang dapat nating gawin upang maitatag pa natin ang industriya ng shipbuilding upang manguna ulit tayo sa paggawa ng mga sasakyang pandagat?

Sa kabutihang palad, may kompanya na ngayon sa Cebu na gumagawa ng malalaking bapor na pandagat, at world class naman ang kanilang mga produkto. At least, maaari na nating maipagmalaki na kahit hindi pa tayo nakakagawa ng mga kotse, nakakagawa naman tayo ng mga bapor.

Ang industriya ng shipping at trading ay talagang magkadikit. Dahil mga Pilipino ang gumawa ng bapor noong pa­na- hon ng Balanghai, mga Pilipino na rin ang sumasakay na marino, ngunit ayon sa kasaysayan, sila ay pumalaot upang maging mga trader, at hindi lamang mga pangkaraniwang tripulante.

Napakasarap isipin na sana dumating ang panahon na kung saan mga Pilipino na rin ang gumagawa ng mga bapor, sila na rin ang may-ari, at sila na rin ang sumasakay. Mas maganda pa nga kung sila na rin ang magiging trader, upang lalung lumaki ang ating ekonomiya, dahil mabebenta na natin sa abroad ang sarili nating mga produkto.

 Batay sa nakita ko sa Balanghai Boat sa Butuan, datihan nang dakilang lahi ang mga Pilipino, at dapat ituloy na lang natin ang ating kadakilaan kahit sa panahon na ito. Ang kailangan natin ngayon ay mga leader na hindi lamang malinis at matino, kundi marunong din na magdala sa atin sa kadakilaan at kaunlaran. Tulad noon, hanggang ngayon.

Show comments