Paghandaan ang ulan, bagyo at baha
GRABE pa rin ang nararanasang init sa bansa pero marami nang nakikitang indikasyon ang PAGASA na nagbabadya naman ang matinding tag-ulan sa mga susunod na linggo at buwan, na may kaakibat na namang mga bagyo at pagbabaha sa maraming lugar.
Kami ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa pambansang pamahalaan gayundin sa mga local government unit na asikasuhin na agad ang mga kaukulang paghahanda para rito.
Base sa datos ng PAGASA, taun-taon ay hindi bumababa sa 20 bagyo ang dumadaan sa Pilipinas. Noong 2009 ay 22 ang bagyong dumaan sa bansa kung saan ang “Ondoy” at “Pepeng” ang itinuturing na pinakamatindi matapos nagresulta ang mga ito sa pagkamatay ng mahigit 300 katao, pagkawasak nang maraming bahay at pagkasira ng mahigit anim na bilyong pisong halaga ng produktong agrikultura.
Ang malalakas na ulan, bagyo at baha ay karaniwan nang nag-iiwan ng napakalaking pinsala sa buhay at ari-arian, bukod pa sa matinding abala at pahirap sa napakaraming tao na hindi tuloy nakapagtatrabaho o nakapapasok sa iskwelahan o kaya naman ay nahihirapang bumiyahe, at marami pang iba.
Ilan sa mga konkretong rekomendasyon ni Jinggoy sa national government at mga LGU bilang paghahanda kaugnay nito ay ang mga sumusunod:
• Linisin at ayusin na ang mga ilog, estero at sapa upang malayang makadaloy ang tubig-ulan;
• Asikasuhin ang mga evacuation center at rescue headquarter sa bawat calamity-prone area;
• Kumpletuhin ang mga rescue and relief equipment ng bawat lalawigan, bayan at barangay partikular ang mga rescue boat, amphibious vehicles, flashlights, at iba pang kagamitan;
• Mag-ipon na ng mga relief goods; at,
• Magpalaganap ng sapat na impormasyon, paalala at gabay sa taongbayan.
Ang tag-ulan at kasama nitong bagyo at baha ay hindi natin mapipigilan, pero ang pinsala at abalang dulot ng mga ito ay puwedeng maiwasan o mabawasan man lang kung sapat ang ating paghahanda.
- Latest
- Trending