KAHAPON ay inumpisahan na ang debate sa gagamiting Canvassing rules ng Kongreso. Noong 2004, May 28 na nang naaprubahan ang canvassing rules, matapos ang mainit na balitaktakan. Ang target ng Kongreso ay isang maagang proklamasyon. June 4 daw, earliest at June 15, latest.
Noong 2004, June 24 ng madaling-araw nang itinaas nina Drilon at JDV ang kamay nina GMA at Noli. Naging mainit ang balitaktakan noon sa pagitan ng mga kongresista at senador. Sino ang makakalimot sa magkapartner na Kiko Pangilinan at Raul Gonzales na naging epektibo sa pagdepensa ng lamang ni GMA laban sa mga lehitimong kwestiyon ng kampo ni FPJ.
Malaki ang ikinaiba ng canvassing rules ng 2010 sa canvassing rules ng 2004. Noong 2004 ay dinesisyunan ng Kongresong hawak ni GMA na tanging ang Certificate of Canvass (COC) ang kanilang titingnan at saka bibilangin. Kapag may kuwestiyon tungkol sa COC, sorry na lang at ireklamo na lamang sa pamamagitan ng protesta pagkatapos bilangin at iproklama ang nanalo. Kaya nga napaos si Sen. Kiko sa kakasabi ng “NOTED” laban sa mga abogado ni FPJ. Sa canvassing ngayong 2010, napagdesisyunan na ng Kongreso na kapag hindi tugma ang manually transmitted at electronically transmitted COCs ay maaring inspeksyunin ang Election Returns (ER) sa gagawing paglinaw. Kapag ito’y naumpisahan, hindi natin masabi kung ilang oras o araw ang itatagal bago mapagpasyahang pinal ang resulta.
Ang pagbilang ng boto ng presidente at bise presidente ay isa sa pinakamahalagang katungkulan ng ating mga mambabatas. Kapag nakumpuni ang Kongreso bilang National Board of Canvassers, parang tayo na ring direkta ang nakikilahok sa pagsiguro sa naging pasya ng bansa. Pihadong mabigat na pressure ang haharapin ng mga ito sa magaganap na ehersisyo, higit sa lahat mula sa taumbayan.
Maganda nga kung mapapabilis ang proklamasyon. Subalit mas maganda kapag magawa ito sa paraang hindi mapupulaan. Kritikal sa matagumpay na canvassing na maging sensitibo ang ating mga kinatawan na nakasilip sa kanila ang bansa – anuman ang kalabasan ng proseso, basta makita ng tao na sila’y tapat sa kanilang ginagampanang katungkulan ay malaki ang magagawa nito upang maging katanggap tanggap sa bansa ang katapusan ng dulang halalan 2010.