MALAKI nga ang ipinanalong boto ni Noynoy Aquino bilang Presidente. Pero isipin ang implikasyon nito. Paano kung ang Liberal na Presidente ay magkaroon ng Bise mula sa Puwersa ng Masang Pilipino, Senate President na Nacionalista, at kaaway na Gloria Macapagal Arroyo bilang Speaker? Tiyak, hati-hati at iba’t ibang direksiyon ang gobyerno. Mas malalang problema ‘yan kaysa di-pagkilala ni Noynoy kay Renato Corona bilang Chief Justice. Mailalatag kaya ni Noynoy ang programang “walang mahirap kung walang corrupt”, gayong hindi niya kakampi ang apat na kasunod na matataas na opisyales ng bansa?
Ang sagot: depende ngayon lahat kay Noynoy. Sa Bise, walang problema kung si Mar Roxas ang lumitaw. Kapartido at kaibigan niya ito, bagamat nasaktan ang huli sa pagkampanya ng Kamag-anak Inc. ni Noynoy para sa tambalang Noynoy-Binay. Kung si Jejomar Binay ang lumabas na Bise, dapat makuha ni Noynoy ang suporta nito para sa mga binabalak na reporma. Ani Binay ay dati na siyang maka-Cory Aquino; maaari nga, pero iba ang loyalty sa nanay ni Noynoy, at iba ang loyalty kay Noynoy mismo.
Sa Senado nabibilang ng Nacionalista Party na makakakuha sila ng 15 boto para muli iluklok si Manny Villar bilang Senate President. Kung sakali, kailangan makuha rin ni Noynoy ang kooperasyon ng dating kalaban sa pagka-Presidente, para sa mga panukalang batas niya. Mabuti na lang at hindi ugali ni Villar maging palaaway. Kapag nagkagipitan, tulad ng pag-impeach kay Joseph Estrada nu’ng 2000, inuuna ni Villar ang kapakanan ng madla kaysa sarili.
Ang mahirap ay kung maagaw ni Arroyo o sinumang kapartido sa Lakas-Kampi ang Speakership. Sakit-ulo ito para kay Noynoy dahil tuwing merong hindi magustuhan ang kalabang partido — halimbawa ang pagtugis sa nakaw na yaman ng mga Arroyo — ay pagbabantaan siya nito ng impeachment. Kaya mainam na si Liberal Sonny Belmonte ang Speaker.