BAGO maghalalan, maraming grupo ng info-tech experts ang nagbabala ng sablay na resulta. Pare-pareho ang pangamba ng Halalang Marangal, Automated Election System Watch, Kontra Daya, transparentelections.org, Center for People Empowerment and Governance, atbp. Gugulo raw ang preparasyon, botohan, bilangan, transmission, at canvassing. Malaking panganib ang malfunction ng precinct count optical scanners, at manaka-naka o malawakang dayaan. Maaatrasado ang pag-transmit at -canvass ng resulta kung walang signal ng cell phone o satellite. At maaring lantarang kalikutin ng sindikato sa Comelec ang bilangan, para magdagdag-bawas sa kandidatong magbabayad. Lahat ito’y dahil inalis ng Comelec ang maraming security features: Voter verification at ultraviolet mark reader ng PCOS, source code review SysTest certification, parallel manual count, at electronic signatures ng Boards of Election Inspectors.
Patuya ang sagot ng mga politiko ng Arroyo admin. Kesyo raw hindi naiintindihan ng experts ang automation, kesyo pinaghandaan ito nang husto, at kesyo bigyan ng pagkakataon ang Comelec na gawin ang trabaho nito. Nagdasal na lang ang experts na sana nga’y maayos lahat.
Heto ngayon. Ang malalakas sumigaw ng “Nadaya ako!” ay ang mga dati’y nanunuyang pulitiko. Hayan sina House Speaker Prospero Nograles at Majority Leader Mat Defensor na nagsasabing natalo sila hindi lang sa pamimili ng boto o pananakot sa botante kundi sa pagmanipula sa PCOS. Hayan ang mag-amang Raul Gonzalez Sr. at Jr. ng Iloilo, na natalo sa pagka-mayor at congressman, at mag-amang Eduardo at Edwin Ermita ng Batangas, na pawang talunan. Hayan sina North Cotabato ex-governor Manny Piñol, Antipolo mayor Angel Gatlabayan at Manila mayor Joselito Atienza, na nagpe-presenta ng mga testigo, papeles at makinang patunay sa automated fraud. Nariyan mismo si Rep. Teddyboy Locsin, na pinaka-matindi manlait bilang chairman ng oversight committee on automation, pero dinaya umano ang misis sa pagka-kongresista nang 243 boto lang.