MAY ilang araw din noong panahon ng dumaang halalan noong May 10 na walang blackout dito sa Mindanao. Iyon ay dahil nga sa pangako ng National Grid Corporation of the Philippines at ibang energy authorities na hindi magkakaroon ng blackout sa halalan.
Ilang buwan din kasing nagkaroon ng malawakang power crisis sa Mindanao nitong mga nagdaang buwan dahil nga sa long dry spell na dala ng El Niño phenomenon.
Ang power problem sa Mindanao ay bunsod ng mababang water level sa Lake Lanao sa Lanao del Sur at the Pulangi River sa Bukidnon na mga main sources ng hydropower sa lugar.
At nitong mga huling araw ay bumabalik na naman ang blackout dito sa Mindanao ngunit hindi naman kasing malawakan noong bago mag-eleksyon.
Sa South Cotabato nga na dati ay aabot hanggang 12 hours ang rotational daily power outage, ay bumaba na sa dalawa hanggang tatlong oras na lang nitong mga huling araw.
Ayon sa NGCP, kung dati ay humigit 750 megawatts ang naging power generation deficiency ng Mindanao, ito ay nasa level lamang ng 385 MW nitong mga huling araw. Kaya, hindi masyadong malaki ang load curtailment na pinapatupad ng NGCP sa mga power utilities sa Mindanao.
Dahil na rin ito sa mga sunod-sunod na pagbuhos ng ulan nitong mga nakaraang linggo sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ngunit ito nga ang masaklap eh, nagka-blackout na nga uli, tinaas na naman ng mga power utilities dito sa Mindanao ang kanilang mga rates dahil nga sa pagtaas ng pass-through charges ng NGCP.
Ayon sa Davao Light and Power Company, kinakailangan nitong itaas ang power rates sa area nito dahil nga nagtaas ang NGCP ng kanilang transmission, generation and system loss charges.
Tumaas ang power rates ng mga taga-Mindanao nitong buwan ng Abril at Mayo, sa gitna nga ng summer months na kapansin-pansin ang tagtuyot.
At ngayon na papasok na ang bagong administrasyon ni Liberal Party standard-bearer Senator Benigno “Noynoy” Aquino III sana ay mapagtuunan nito ng pansin ang power situation sa Mindanao at bigyan ito ng long-term solution at hindi lang stop-gap measures.
Sana magkaroon ng proper generation mix ang Mindanao at nang sa ganun hindi ito maging largely dependent hydropower lang. Nang sa ganun maiwasan na rin ang malawakang blackout tuwing tagtuyot.
Lahat ng ito ay nakasalalay sa papasok na pamahalaan ni President Benigno “Noynoy” Aquino III.