SABI ng barbero kong si Mang Gustin “hindi kaya gumagamit ng reversed psychology para matanim sa isip ng tao na ang mga alegasyon ng dayaan ay puro imbento?” Nasabi ni Gustin ito dahil sa isang testigo’ng nagbulgar ng dayaan sa eleksyon na nakatakip ang mukha at walang ebidensyang dala. Alam natin na ang ganyang testigo ay mahirap seryosohin.
Medyo katulad din iyan ng paghaharap ng impeachment case laban sa Pangulo. Para tiyaking maibabasura, may maghaharap ng mahinang kaso para ang susunod na kasong mas matibay ay mabale-wala.
Sinimulan na ng committee on suffrage and electoral reforms ng Kamara de Representante sa pamumuno ni Rep. Teddy Locsin ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng pandaraya sa nakalipas na eleksyon.
Mayroong lumantad na “whistleblower” na nakatakip ang mukha at ayaw magpakilala. Ibinunyag niya na may naganap na automated “dagdag-bawas” sa eleksyon. Sabi pa niya, nagbayad ng malaking halaga si vice presidential bet ng Puwersa ng Masa na si Jejomar Binay para maungusan niya si Liberal Party VP bet Mar Roxas.
Halatang nairita si COMELEC Chairman Jose Melo nang humarap sa hearing. Aniya, papaano mapaniniwalaan ang isang testigong nakatakip ang mukha, ayaw lumantad at walang ebidensya matangi sa kanyang akusasyon?
Hindi dapat balewalain ang mga alegasyon ng pandaraya. Pero dapat, ang sino mang tatayo at magpapatotoo ay gawin ito nang may integridad at kredibilidad. Ibig sabihin, may bitbit na mga ebidensya at hindi tumatayo ng incognito. Hangarin nating lahat na kung ano man ang depekto ng halalan ay maituwid para sa future elections.
Kasi, mahalaga ang kredibilidad ng eleksyon para sa pag-angat ng bansa.
Sa takbo ng mga nangyayari ngayon, hindi malayong balik tayo sa dating bulok na sistema ng politika sa halip na maghari ang inaasam nating reporma.