TAPOS na ang eleksiyon. Nakahihinga na nang maluwag ang mga kandidato lalo na ang nanalo. Pero kung pagmamasdan ang kapaligiran ngayon, nakadidiring tingnan dahil sa iniwang basura ng mga kandidato. Ang kanilang campaign materials ay nananatiling nakadikit sa mga pader, nakabitin sa mga kawad ng kuryente at nakapako sa katawan at sanga ng mga puno. Delikadong bumagsak ang mga poste ng kuryente na may mga nakakabit na campaign materials. May bumagsak na nga bago pa idaos ang election at isang nakaparang sasakyan ang nabagsakan ng poste.
Mag-isang babalikatin ng Metro Manila Dev-elopment Authority (MMDA) ang pagtatanggal at pagbabaklas sa mga campaign materials. Sila ang magdudusa sa pag-aalis ng mga kalat at basura na kung tutuusin ay naiwasan naman sana kung naipatupad nang maayos ng Commission on Elections ang pagpapatupad na magkaroon ng designated na lugar para paglagyan ng mga campaign posters. Pero nawalan ng saysay ang kapangyarihan ng Comelec sapagkat wala nang pinili ang mga alipores ng kandidato at kung saan-saan na lamang nagkabit ng posters at streamers. Lubhang matitigas ang ulo na tila sunud-sunuran na sa among pulitiko kaya hindi na baleng maging marumi ang kapaligiran basta mailagay ang kanilang materials.
Nagkaroon na ng pagbabago sa ginanap na kauna-unahang automated elections at sana naman, magkaroon na rin ng disiplina ang mga kandidato at iutos sa kanilang mga alipores na huwag basta kabit nang kabit ng campaign ads. Sumunod sana sa batas.
Delikadong magkaroon muli ng pagbaha na kagaya ng nangyari noong Sept. 26, 2009 kung saan grabeng tinamaan ang Metro Manila. Kapag ang mga tarpaulin ng kandidato ay hindi pa inumpisahang tanggalin, malaking problema sapagkat baka abutan ng tag-ulan at magbaha.
Katulungin naman sana ng MMDA ang mga kandidatong nagparumi sa pader dahil sa kanilang materials. Magkaroon naman ng kusa ang mga kumandidato, nanalo man o natalo para alisin ang mga campaign ads nila. Magkaroon na sana ng disiplina sa susunod na election at huwag basta kabit na lang nang kabit o sabit na lamang nang sabit. Ilagay sa ayos para hindi makasira sa kalikasan.