KUNG meron mang tanggapan ngayon na lubhang abala at wala nang pahinga, iyan ang Commission on Elections (Comelec). Mula nang ilunsad ang pag-computerized sa 2010 elections, marami nang commissioners ng Comelec ang okupado at siguro nga ay “’dyinggel” lang ang kanilang pahinga. Mara-ming pressure na nararanasan. Pero nakahahanga si Comelec chairman Jose Melo na nanindigang dapat matuloy ang computerization ng elections. Kung hindi ngayon, kailan pa? ito marahil ang sigaw ni Melo.
Maraming batikos na natanggap ang Comelec. Pinakamatindi ay ang pagpalpak o ang nangyaring “glitch” sa PCOS machines. Ang PCOS machines ang magbabasa sa balota ng botante. Maraming masasakit na pananalita ang ibinato sa Comelec. Pinagsuspetsahang talagang sinasadya raw na magkaroon ng problema ang machines na gagamitin para hindi matuloy ang election. Habang ang mga commissioner ng Comelec ay kulang na kulang sa tulog at ang iba ay pagod na pagod, inuulan sila ng mura at batikos. Ito raw ba ang sinasabing 99 percent na handa sa automated elections? Ito raw ba ang sinasabing walang mangyayaring failure of elections gayung sa pag-testing pa lang sa machines ay inabot ng siyam-siyam na malas dahil ayaw mag-function. Paano pa sa aktuwal na botohan?
Sa nangyayaring ito, na ginagawa naman ng Comelec ang lahat ng kanilang makakaya at laging positibo na magkakaroon ng tagumpay na election, nararapat na huwag muna silang batikusin, alipustain at husgahan. Ang paghusga sa ganitong pagkakataon ay hindi muna dapat. Hayaan ang Comelec na gawin ang kanilang nalalaman at mga paraan. Ipinakikita naman nila ang kaseryosohan na magkaroon nang matagumpay na election na gaganapin bukas (Mayo 10). Pagtiwalaan ang kanilang pangako na hindi magkakaroon ng failure of elections.
Itigil ang paninisi sa Comelec. Hindi makatutulong ang ganito bagkus ay makagugulo. Sa halip na manisi at mang-alipusta ay suportahan sila. Manalangin din sa Maykapal na magkaroon ng malinis, mapayapa at matagumpay na election.