Ang utak ni Sec. Bert Gonzales
PINIPILIT kong maintindihan ang mga ginagawa at ang mga sinasabi ni Defense Secretary Norberto Gonzales nitong mga huling araw. Lalo na nung sinabi niya nitong nakaraang Miyerkules sa harap ng mga religious leaders sa Mindanao na mga miyembro ng Bishop Ulama Conference na nagsisimula na nga ang cheating o dayaan sa May 10 elections at nag-umpisa na rin ang bribery sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa may Southern Tagalog region.
Buti sana kung sa pagsiwalat ni Gonzales ng mga sinasabi niyang mga attempts to cheat at bribery sa military, police at maging sa Comelec, ay may prinisenta rin siyang mga concrete counter-measures na ginagawa ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Hindi maiwasan ang pangamba ng mga nandun sa joint peace forum ng BUC, AFP at ng Philippine National Police na ginawa dito sa Waterfront Insular Hotel Davao, na magkaroon nga ng failure of elections sa ating first-ever automated polls. Lumalabas na kino-condition na nga ni Gonzales ang mga mamamayan na magkaroon nga ng failure of elections.
Biniro ko nga si AFP chief Gen. Delfin Bangit na nagsusumikap silang dalawa ni PNP chief Director Jesus Versoza na magpapogi sa harap ng mga Mindanao religious leaders tapos sinira lang ni Gonzales nang nagsalita ito tungkol sa dayaan sa May 10 elections.
Inamin naman ni Gonzales na ‘I do not share the optimism of these two gentlemen’ (sina Bangit at Versoza) na naunang nagbigay ng assurance sa mga bishops at ulama na all-systems go na ang military at pulis sa darating na May 10 polls. Dahil nga sabi ni Gonzales nakatatanggap siya ng reports na nagsimula na ang bribery sa mga military officials at ang dayaan ay ipapatupad ng mga sundalo, pulis at mga taga-Commission on Elections.
May isang linggo na lang at malalaman din natin ang ibig sabihin ng lahat ng mga pasaring ni Gonzales. Kung saka-sakaling magkatotoo nga ang mga sinasabi ni Gonzales tungkol sa scenario ng bribery, cheating at maging ng failure of election, napakalaki ng pananagutan niya.
Bilang defense chief ng bansa, tungkulin ni Gonzales na harangin ang anumang mga balak o attempt sa pandadaya gaya ng mga binulgar niya nitong nakaraang linggo sa harap ng mga bishop at mga Muslim ulama ng Mindanao. Sinabi rin ni Gonzales na “arrests will be made soon” hinggil nga sa mga nadiskubre ng mga intelligence officers na may nagtatangka ngang dayain ang resulta ng halalan sa May 10.
Sana nga totohanin niya ang sinabing “arrests will be made soon” upang maipakita sa mga mamamayan na hinaharang nga ng otoridad ang anumang tangka ng pandaraya sa darating na halalan. Nanawagan din ang iba’t ibang sector, maging ang AFP at PNP, na pangalanan ni Gonzales ang mga sinasabi niyang involved sa pagtatangkang mandaya sa May 10 elections. Kaabang-abang nga ang mga pangyayari sa susunod na mga araw.
Kung hindi ko maintindihan ang utak ni Gonzales, umaasa ako na dahil isa nga siyang ardent Marian devotee, ang kapakanan ng ating bansa ang nasa kinaibuturan ng kanyang puso. At umaasa ako na nakaukit din sa puso ni Gonzales ang petsang June 30, 2010, na dapat bumaba na sa puwesto si President Arroyo.
- Latest
- Trending