Bagong graduate kami ng medisina. Gusto sana naming manatili sa bansa natin, pero naguguluhan kami. Ano ang mapapayo mo? — (Dr. R at Dr. M)
Salamat Dr. R at Dr. M sa iyong liham at pagtitiwala. May listahan ako ng mga dahilan kung bakit kanais-nais manatili ang mga doktor dito sa Pilipinas. Sarili ko lang itong kuru-kuro at hindi ko pinipigilan ang mga may nais hanapin ang landas nila sa ibang bansa.
Mabuting asal ng ating mga anak.
Bago natin lisanin ang sariling bayan, isipin muna maigi kung saan natin gustong lumaki ang ating mga anak. Anong kultura at pananaw ba ang gusto ninyong gayahin nila?
Makapiling ang mahal mo sa buhay.
Isang kasiyahan ko sa pananatili sa bayan natin ay lagi kong kasama ang aking mga magulang, pamilya, mahal sa buhay at kaibigan. Lalo na noong nagkasakit si itay at si inay, naisip ko, “Sino pa ba ang dapat mag-alaga sa kanila kundi ako?”
Kailangang–kailangan ng Pilipinas ang mga doktor.
Kung mapapansin ninyo ang kahirapan ng ating mga kababayan, matutuklasan ninyo na talagang naghihikahos sila. May sakit na, pobre pa. Walang pambili ng gamot, wala pang doktor na titingin sa kanila. Ano pa kaya ang mas malungkot kaysa sa ganitong kalagayan?
Tagumpay sa ibang bansa ay hindi sigurado.
Kahit malaki ang oportunidad sa ibang bansa, marami ding hirap. Una, kailangan labanan ang matinding lungkot. Pa-ngalawa, kahit papaano ay may discrimination din. Pangatlo, napakamahal mamuhay sa ibang bansa. Baka maubos lang ang kinikita sa upa sa bahay, gastos at pambayad sa utang. Dito sa atin ay mura ang lahat.
Sa huli ay babalik din tayo.
Iba talaga ang nasa sariling bayan. May piyestahan, may kasalan, may kuwentuhan, may kamag-anak, may lupang aasikasuhin, may mangga at sampaguita, pasyalan, at may pamilyang nagmamahal. Kahit nasaan man tayo, may aantig sa ating damdamin na bumalik sa lupang sinilangan.
Ano ang inyong landas sa buhay?
Saan ba tayo pinanganak? Saan ba tayo magseserbisyo? Ano kaya ang plano ng Diyos sa buhay natin? Magdasal at suriin ang ating saloobin. Ang sagot, kung tayo ay mananatili o aalis, ay nasa ating puso.