PALABAS na ang “The Pacific” sa HBO. Ito’y tungkol sa ilang US Marines nang labanan nila ang mga Hapones noong World War II. Maganda ang palabas, parang “Band of Brothers” na pinalabas din sa HBO. Sina Steven Spielberg at Tom Hanks ang mga producer ng “The Pacific”. Pero agad akong nakatanggap ng reklamo mula sa aking kapatid na mahilig sa mga ganitong klaseng palabas. Puro cut daw kasi kaya bukod sa umiksi ng halos kinse minuto ang palabas, sumama ang takbo ng kuwento at mga eksena. Parang tumatalon. Bakit daw may cut eh cable na naman daw? Magandang tanong.
Ayon sa batas, hindi raw pwedeng magpalabas ng mga sobrang madudugong eksena sa TV. Kaya maraming cut ang “The Pacific” ay dahil maraming eksena na madudugo at maselan hinggil sa isang digmaan. Sa madaling salita, ipinapakita ng palabas ang mga tunay na nangyayari sa isang digmaan. Mga nagugutay na katawan ng tao, mga nangyayari kapag nababaril o nasasabugan ng bomba, mga ganung eksena. Eh giyera pa naman ito kaya ang daming tinatanggal. Kaya tumatalun-talon ang mga eksena! Sa aking opinyon naman, cable ito na hindi naman napapanood ng lahat. Hindi ba nasa nanonood na lang kung gustong ilipat o kaya pagsabihan ang mga ibang nanonood kung masyadong maselan ang palabas? Sa madaling salita, nasa nanonood na lang ang desisyon, dahil cable nga at binabayaran ito.
Kaya ko rin napag-usapan ito, kailan lang ay nagdesisyon ang Court of Appeals na payagan ang Sky Cable na ipalabas ang “Big Love”. Ito’y kuwento naman ng isang lalaking Mormon, na may higit sa isang asawa’t pamilya. Hindi naman kasi bawal ang ganyang sitwasyon sa mga Mormon, at kung hindi ako nagkakamali, sa mga Muslim din. May nagsampa kasi ng reklamo sa Sky Cable na ang palabas ay nakasasama sa moralidad ng Pilipino, dahil hindi pinapayagan ng simbahang Katoliko at ng batas ang polygamy o ang pagkakaroon ng higit sa isang asawa. Nagdesisyon na nga ang CA at sinabing puwedeng ipalabas ang “Big Love”, kahit ganito pa ang kuwento nito. Wala naman daw sa palabas ang kinukumbinsi ang manonood na tanggap ang pagkakaroon nang maraming asawa. At kung ganun ang dahilan ng pagsampa ng kaso, eh di dapat kasuhan na rin ang lahat ng kilalang may maraming pamilya sa bansa sa tunay na buhay? Eh napakarami diyan di ba? Mga artista, mga pulitiko, mga ubod ng yaman na negosyante, lahat na! Kasuhan na lahat kung ganun! Dapat pag-aralan muli ang mga patakaran ukol sa mga palabas sa TV, partikular sa cable. Dapat ibinibigay ng buo ang serbisyong cable sa mga nagbayad, at hindi na binabawasan ang mga palabas. Nasa nanonood na lang ang desisyon ukol sa anumang mapalabas sa cable TV.