ONE hundred percent na raw handa ang Commission on Elections (Comelec) sa kauna-unahang automated elections. Ibinibiyahe na ang mga balota sa maraming bahagi ng bansa. Patuloy pa rin ang pagtesting ng mga machine para masigurong hindi papalpak sa araw ng election. Patuloy din ang pagtuturo sa mga guro na magsisilbing watchers. Wala na raw talagang problema para sa pagdaraos ng May 10 elections.
Tila wala na ngang problema dahil nakahanda na ang lahat. Pero kung magmamasid lamang ang Comelec sa kapaligiran, makikita nila ang problema. Namumulaklak ang mga pader, punongkahoy, poste ng kuryente, barandilya at kung anu-ano pang pagkakabitan, ng campaign materials ng kandidato. Dito nabigo ang Comelec sapagkat hindi nila nakayang suwetuhin ang mga kandidato na sa tamang campaign area magkabit o magdikit ng kanilang materials. Nawala ang pagbabanta ng Comelec na babaklasin ang mga posters, banners at streamers ng kandidato. Sa halip na matakot ang mga tagadikit o tagasabit ng kandidato, lalo pang tumapang at walang patawad kung magkabit sa pader ng mga posters. Nakikita kaya ng Comelec kung gaano na karumi sa maraming panig ng bansa dahil sa basura ng mga kandidato?
Hindi lamang mga posters at streamers ang makikitang nakadikit at nakasabit kundi pati na ang mga nakataling ribbon — dilaw, orange, berde, sa mga barandilya sa center island. Sa kahabaan ng España St. ay maraming nakataling ribbon. Namumutiktik naman ang kahabaan ng Commonwealth Ave. sa mga streamers na nakasabit sa kahoy. Ang iba ipinako nang tuluyan ang mga streamers at banner sa katawan ng kahoy. Wala nang pakialam kung mamatay man ang kahoy, maikabit lang ang mukha ng kandidato. Ang kahabaan ng Commonwealth ay isa sa mga lugar na bawal maglagay ng campaign materials. Pero hindi sinusunod ng mga alipores ng kandidato ang kautusan at lalo pa ngang naging marahas ang ilan. May mga alipores ng mga kandidato na nagrarambulan dahil sa pag-aagawan sa punongkahoy at poste na pagkakabitan ng posters.
Bigo ang Comelec na maipatupad ang kautusan. Siguro’y kailangan pa nang kaunting tapang para ganap na masawata ang mga lumalabag sa pagkakabit ng campaign materials. Siguro, mas maganda kung pagmultahin ang mga kandidatong nagkalat ng kanilang basura sa kapaligiran. Habulin sila!