Like father like son

NU’NG nagdaang linggo, kasama sa mga senatoriables ng Nacionalista Party na “iginisa” sa tanggapan ng The Philippine Star si Ramon “Monmon” Mitra. May regular na forum kasi ang the Star sa mga kumakandidato mula sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at senador para malaman ng taumbayan at makilatis ang kanilang mga agenda.

Nang makita ko si Monmon, akala ko nabuhay na muli si dating House Speaker Ramon Mitra. Sa anyong balbasarado pati sa kilos at pagsasalita, Monching na Monching talaga ang anak na ito na sumusunod sa yapak ng ama.

Sa klase ng pulitikang mayroon tayo ngayon, malaking hamon para sa isang batang pulitiko na puno pa ng idealismo gaya ni Monmon ang sumabak sa larangang ito.

Malayung malayu kasi ang sistema ngayon kumpara sa panahon ng kanyang nasirang ama na ang labanan ay mga isyu at agenda. Ngayon puro batuhan ng putik at siraan.

Bata man ay hindi itinuturing ni Monmon ang sarili na baguhan sa pulitika. Kahit ngayon lang tumakbo bilang kandidato pagka-Senador, palagi umano siyang kasama ng kanyang yumaong ama sa mga political activities. Kabisado na niya ang tamang galaw sa loob at labas ng pamahalaan. Sabi nga niya, alam na niya ang mga intricacies sa larangan ng politika at taglay na niya ang wastong konsepto ng tamang pamumuno.

Paliwanag niya, simple lang ang kanyang plataporma: Mababang halaga ng elektrisidad; makabago at mataas na antas ng agrikultura at; kaayusan at kapayapaan. Naging Director ng Philippine National Oil Company (PNOC) si Monmon kaya masasabing may solid background na siya para isulong ang kanyang agenda sa murang kuryente. 

Aniya pa, simple lang ang dapat gawin sa krisis sa kuryente. Kailangan lang ang political will para harapin ang kakulangan sa kuryente at ang solusyon dito na meron naman tayo. Tulad ng kanyang ama, sinabi ni Monmon na may karanasan din siya sa agrikultura kaya plus factor iyan sa kanyang agenda sa makabagong agrikultura.

Well young man, I wish you all the best. Tulad ng iyong political battle-cry, “gawa hindi salita.” Iyan ang kailangan natin ngayon.

Show comments