Dr. Elicaño, gusto ko lang pong itanong kung ano ba ang kadalasang dahilan ng insomnia. Kasi ay hindi ako makatulog sa gabi. Kahit na nagpapagod ako sa maghapon ay ayaw akong dalawin ng antok. Pabiling-pabiling na ako sa higaan pero talagang mahirap akong makatulog. Madalas ay alas-tres o alas-kuwatro ako nakakatulog. Mahilig ako sa kape. Totoo bang ang kape ay dahilan ng insomnia. Maraming salamat. — Dante Baldosa, Parañaque City
Ang kape ay may caffeine. Ang caffeine ay isa sa mga dahilan kaya nagkakaroon ng insomnia. Kung nakakaubos ka nang maraming tasa ng kape sa maghapon, dapat mong bawasan ito. Sa palagay ko ang pag-inom mo ng kape ang dahilan kaya ayaw kang dalawin ng antok.
Ang mga sumusunod ay insomnia-causing drugs o drug ingredients na karaniwang dahilan ng insomnia: Alcohol, anti-neoplastics, diuretcs, nicotine, phenytoin, stimulants, theophylline, thyroid hormone, antihypertensives, beta blockers. Corticosteroids, levodopa, oral contraceptives, selective sertonin, reuptake inhibitors at protriptyline (vivactil)
Kung gumagamit ng mga nabanggit at nagkakaroon ng insomnia, dapat munang kumunsulta sa doctor.