SINIKAP talaga ng mga lawyers ni former Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. na harangin ang kanyang paglipat kagabi sa Camp Bagong Diwa sa Taguig galing sa kanyang confinement dito sa Armed Forces Eastern Mindanao Command (Eastmincom) military hospital.
Higit apat na buwan na ring naka-confine si Andal Sr. sa Eastmincom hospital simula nang siya ay hulihin ng mga otoridad sa bahay niya sa Maguindanao bunsod ng alleged involvement niya at ng kanyang mga kaanak sa gruesome November 23 massacre na ikinasawi ng 57 katao, kasali na ang 30 na mamamahayag.
Noon ang nirereklamo ng mga abogado ni Ampatuan ay ang kanyang pagkahuli at ang kanyang pagka-confine sa Eastmincom hospital. Ngunit iba na tono nila ngayon. Mas gusto nilang mananatili ang matanda sa nasabing ospital kaysa ilagak siya sa isang regular na prison cell.
Ginawa ng mga abogado ni Gov. Andal ang lahat ng paraan upang hindi matuloy ang nasabing paglipat. Ngunit taas-kamay na sila nang pinakita na ang commitment order ng Quezon City court kahapon ng hapon, mga ilang oras lang bago nakatakdang dalhin ang matanda sa Manila lulan sa isang Air Force C-130 cargo plane.
Ngunit kung may isang bagay lang na ikinatuwa sigurado ng matandang Ampatuan sa kanyang pagbiyahe kahapon ay ang kaniyang reunion sa kanyang apat na anak na lulan din ng nasabing C-130 galing sa Camp Fermin Lira sa General Santos City na kung saan sila naka-detain.
Kasabay ni Gov. Andal sa nasabing biyahe ng cargo plane ng Phil. Air Force sina suspended ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, dating acting Maguindanao Gov. Sajid Ampatuan, Shariff Aguak Mayor Anwar at suspended Maguindanao Vice Mayor Akmad Ampatuan.
Marami nga silang security officers na kasama sa nasabing flight gaya ng kanilang kinagawian tuwing bumabiyahe. Ngunit ang mga security officers ay hindi na nila mga personal guards gaya noon. Lulan na rin sila sa isang ordinary cargo plane at hindi sa business class ng eroplano. Buhay nga naman!
At talagang bonggang reunion ang nangyari nang finally magkasama na rin ang mag-amang Ampatuan nang nilagay sila sa parehong selda ni Datu Unsay Ampatuan mayor Andal Jr., na siyang pangunahing suspect sa Maguindanao massacre.
Ngunit sana higpitan talaga ng mga otoridad ang security sa Camp Bagong Diwa ngayong andyan na ang mga Ampatuan.
Kasi ang tanging dahilan ng mga otoridad na kaya pinaghihiwalay ang pinaglagakan ng mga Ampatuan pagkatapos ng massacre ay dahil nga sa security concerns.
Na kung may balak mang sagipin sila ng kanilang mga supporters mahirapan sila dahil nga magkaiba ang mga lugar. Ang matanda ay nandito sa Davao City at sina former ARMM Gov. Zaldy naman ay sa Camp Lira sa General Santos City, habang si Andal Jr. ay sa National Bureau of Investigation national headquarters sa Manila.
At ngayong nasa iisang piitan na ang mga Ampatuan, sana maging talagang mahigpit ang seguridad sa Taguig dahil nga may posibilidad na may malaking mangyaring kaguluhan at maging dahilan at daan tuloy ito ng pagpatupad ng scenario ng massive unrest sa nalalapit na halalan ngayong May 10.
Ngunit sa isang punto naman ay kinakailangan na talagang alisin sina Andal Sr. at Gov. Zaldy sa kanilang mga dating detention cells upang ipakita na walang special treatment sa mga Ampatuan.
At naintindihan ko rin ang sigh of relief ng mga officials sa Eastmincom at sa Camp Fermin Lira na wala na sa mga kamay nila ang mga Ampatuan dahil nga sa napakalaking security requirements nila habang naka-detain.
Kailangan talagang higpitan ang seguridad sa Camp Bagong Diwa upang walang dugong dadanak uli gaya ng nangyari sa karumaldumal na Maguindanao massacre.