Kung sakali’t bigo ang ating halalan
Lalo pang gugulo itong ating bayan;
Mga pagbabagong nais na makamtan
Ay muling naglaho at tayo’y nilisan!
Hindi ba’t ang hangad pinakamimithi
Nitong sambayanan tayo ay pumili –
Mga bagong lider na sa baya’y tangi
Pero ang nangyari lahat tayo’y sawi!
Sa poll automation tayo ay umasa
Eleks’yon sa bansa’y magiging maganda;
Pagkatapos nito tayo ay umasa
Na magtatagumpay ang bagong sistema!
“Failure of Election” hindi natin hangad
Pero ngayo’y waring ito’y magaganap;
Dahil kapos yata ang magandang hangad –
Ng ating Comelec na sabi’y matapat!
Unang dapat gawin ay hindi nagawa
Ang mga botohan ay hindi pa handa;
Hindi pa kumpleto ang mga balota
Halalan sa Mayo ay bigo nga yata!
Kung bigo ang ating automated voting
Walang mangyayari sa ating hangarin;
Mga kandidatong humarap sa atin
Namili man tayo ay bale-wala rin!
Sayang ang panahon at perang naubos
Ng mga candidate na tapat ang loob
Kanilang hangaring sa baya’y maglingkod
Lumipad sa hangin at naglahong usok!
Dahil sila’y bigo ang baya’y bigo rin
Na tayo’y lumanghap ng sariwang hangin;
Ang dati ring simoy ating lalanghapin
Kaya ano kaya ating sasapitin?!
Sa nangyaring ito’y ating makakamit
Ay ibayong dusa at mga hinagpis;
Mga daing nati’y ipukol sa langit
Hilinging maglider – Diyos ng pag-ibig!