Sampaguita Village
Sampaguita Village ang napiling panahanan
Nang una’y madamo – masukal na lugar;
Ang mga talahib ay nagtataasan
Kaya landas nami’y makipot na daan!
Ito’y dating bundok na biglang pinatag
Upang panirahan naming kapuspalad;
Ang pumunta rito ay medyo mahirap
Walang transportasyo’t kami’y naglalakad!
Dito’y magkasosyo pribado’t gobyernno
Ito’y low cost housing na laan sa tao;
Kahi’t mababa pa ang pahulog dito
Inutang pa namin ang down payment nito!
Mula sa Pateros na aming tinirhan
Kami ay lumipat sa nakuhang bahay;
Sa pagpunta-punta kami’y nahirapan
Ang namamasada’y isang jeepney lamang!
Dalwang panganay ko na noo’y musmos pa
Pagpunta sa Village ay kasama-sama;
Sa dinaraana’y aming nakikita –
Ahas at bayawak na nasa kalsada!
Kapag naroon na sa naturang housing
Kami’y naglilinis – tinatabas namin
Ang buong paligid na noo’y marusing
At ang munting bahay ipinaayos na rin!
Dahil sa ang lugar ay nakatatakot –
Tapunan ng patay na tao at hayop;
Sa paglipat doon ay medyo bantulot –
Ah sa ngayon naman ang Village ay ayos!
Kaya salamat po sa Poong Marunong
Sa pook na aming panahanan ngayon;
Kami kung salat man sa ginhawang layon
Maligaya kaming dito na yayaon!
Sana’y palagi nang ganito ang buhay
Malayo sa bagyo at mga landslide;
Kami’y awang-awa sa taga-Mindanao –
At mga lugaring kayhirap mamuhay!
- Latest
- Trending