KUNG hindi nabuking ang ubod nang mahal na ballot secrecy folder, maaaring inuumpisahan nang gawin ang 1.8 milyong folders na inorder ng Commission on Elections (Comelec) sa OTC Paper Supply. Pero nabuking nga kaya ipinag-utos ni Comelec chairman Jose Melo na kanselahin ang pag-order ng mga folder na nagkakahalaga ng P380 bawat isa. Sabi naman ng may-ari ng OTC, idedemanda niya ang Comelec kapag iniatras ang pagkuha sa kanila ng folder. Nakapag-loan na umano siya sa banko nang malaking halaga at naka-order na ng mga gagamitin para sa paggawa ng folder. Hindi na maaaring iatras sapagkat nagkasundo na sila ng Comelec noon pang Pebrero. Inakala niyang wala nang problema sa Comelec.
Ang ballot secrecy folder ay yung itinatabing habang nagsusulat ng kanyang kandidato ang botante. Magsisilbing kober para hindi makita ng ibang botante ang kanyang ibinoto. Ayon sa OTC, ang isusuplay niyang folder sa Comelec ay primera klase sapagkat gawa sa matibay na plastic. Hindi umano ito mababaluktot kahit pa ilang botante pa ang gumamit. Garantisado raw na tatagal ang folder.
Maganda nga ang folder sapagkat P380 ang halaga bawat isa. Pero sana naisip ng Comelec bago nakipagkasundo sa supplier na isang beses lang itong gagamitin. Bakit kailangang gumamit pa nang matibay na folder gayung maaari namang gumamit nang mas mura lang. Maski ang ordinaryong brown folder ay puwede na. Hindi naman siguro magkokopyahan ang mga botante sapagkat nakabantay ang mga teacher. Isang malaking kamalian na pumasok sa isang kasunduan ang Comelec na ang sangkot ay P700-milyon. Napakalaking halaga nito na maaaring magamit na ng Comelec sa ibang bagay.
Salamat na nga lang at nabuking ang balak at agad namang ipinag-utos ni Melo ang pagkansela. Hindi na sana magpadalus-dalos ang Comelec sa mga desisyon. At sana rin ay matutuhan nilang magtipid sapagkat era ng taumbayan ang sangkot dito.