Limlingan ambush
NABIGO man ang tangkang pagpatay sa Makati businessman na si Gerardo Limlingan, dapat pa ring magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay nito. Politically motivated ba o hindi? Bahagi na ng kulturang Pinoy ang karahasan sa eleksyon. Pero anang kaibigan ko, ang pulitika sa Makati ay tila mas malala. Madalas umanong mag-rally ang mga tinatawag na “concerned voters”. Ito raw ay para labanan ang posibleng paglaganap ng kaguluhan sa halalan.
May mga tangka raw na bulabugin ang imbestigasyon sa bigong pananambang kay Limlingan. Duda kasi ng ilan, baka gusto lang iligaw ang imbestigasyon sa insidente. Bakit naman kaya?
Noon, sinasabi ni Mayor Jejomar Binay na na walang impluwensyang pulitikal si Limlingan. Ngunit ilang oras lang matapos ang insidente, inihayag ni Binay na may kinalaman sa pulitika ang tangkang asasinasyon. Si Limlingan ay kilalang liaison officer ni Binay sa mga malalaking mangangalakal. Sa ngayon, itinaas niya ang posisyon ni Limlingan sa pagiging political adviser sa kanyang pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo at siya ring nangangasiwa sa pangangampanya ng kanyang dalawang anak.
Noong araw, tinambangan din at napatay ang noo’y security chief ni Binay na si Lito Glean. Mula sa pagiging security chief, itinaas ito ng alkalde bilang pinakamataas na opisyal sa Business Permits and Licensing Office ng Makati.
Masaklap isipin na ang mga ganitong pangyayari ay nagiging paborable pa sa ilang kandidato. Sakali kasing ideklarang “failure” ang eleksyon sa lungsod na ito, hindi makauupo ang sinasabing nanalo. At dahil hindi na rin makauupo bilang alkalde ng Makati si Binay pagkatapos ng Hunyo 30, natural lamang at posibleng ang manga-ngasiwa sa pamahalaang pang-lungsod ay ang mga taong iniupo ni Binay bago pa ang eleksyon.
- Latest
- Trending