KUNG minsa’y napag-uusapan natin ang programa ng gobyerno laban sa kagutuman na importanteng malaman ng taumbayan sa harap ng krisis sa ekonomiya. Isa sa mga programa ng Department of Agriculture ay ang tinatawag na FIELDS (Fertilizer, Irrigation, Education, Loans Dryers and Seeds.)
Ang mga magsasaka sa Calapan, Oriental Mindoro ay nakinabang umano sa programang ito. Halimbawa, 50-taon na raw nagsasaka si Mang Vener Sanchez ngunit ngayon lang nakatikim ng masaganang ani ng palay ang mga magsasaka sa Mindoro. Ito aniya ay dahil sa FIELDS. Malaking tulong daw ang programa sa pagtaas sa ani ng mga magsasaka. Isa lamang ang SABAPECO Irrigators Association sa mga beneficiary ng programa.
Presidente ng SABAPECO Irrigators Association sa Mindoro Oriental si Mang Vener. Nabiyayaan sila ng Php 100,000 na pautang ng pamahalaan ng Calapan City para pambili ng abono. Ang irrigation facility mula sa National Irrigation Administration (NIA) ay nagpataas sa ani mula 60 hanggang 150 cavans bawa’t ektarya. Ang mga magsasaka ay sinanay din sa Farmer Field School.
Ang Land Bank of the Philippines (LBP) ay nagbigay din ng Php 764,000 na pautang na ipinambili ng farm inputs. Samantala, ang Department of Agriculture ay nagbigay ng flatbed dryer na kalahating milyong piso. Ang Provincial Government, sa pamamagitan ng Plant Now, Pay Later Program nito, ay nagkaloob naman ng 200 bags ng hybrid seeds sa magsasaka.
Importanteng bahagi ang programang ito ng Accelerated Hunger-Mitigation Program (AHMP). Ito ay ipinatutupad ng Anti-Hunger Task Force na dito’y sangkot ang 30 ahensiya ng pamahalaan kasama ang DA, NIA, LGUs at National Nutrition Council.
Ang programa ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang mabawasan ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino.