Paano ang Mandaluyong kung drug user ang mayor?
IBINABANDO ng kampo ni Mandaluyong City mayoralty bet Ernest Albert Domingo Buan na makapagpipiyansa na siya sa Abril 15. Kahit saang sulok ng siyudad ay pinag-uusapan ang nakaambang pansamantalang paglaya ni Buan sa kasong pag-iingat at pagbebenta ng cocaine. Subalit hindi naman sinasabi ng kampo niya kung paano makapagpipiyansa si Buan dahil sa pagkaalam ko patuloy pa ang pagdinig ng motion for bail niya sa chamber ni Judge Abraham Borreta, ng Pasig City RTC Branch 154. Ang huling balita ko binigyan ni Borreta ang magkabilang panig ng hanggang Abril 5 para magkomento sa bail isyu ni Buan. Kaya’t mukhang inuunahan ng kampo ni Buan ang desisyon ni Borreta. Atat na atat na sigurong sumali sa kampanyahan si Buan. Dapat naman para mga kamay ng supporters niya ang hihimasin at hindi malamig na rehas na bakal ng kulungan. Ano ba ‘yan?
Subalit ang ikinakalat ng kampo ni Buan ay hindi magdudulot ng maganda sa kaso niya. Ang pagkatao kasi ni Borreta ay hinalungkat na at ginagatungan pa ng mga tsismoso at tsismosa. Halimbawa, si Borreta raw ay may malaking utang na loob sa pamilya ng mga Domingo dahil sa relasyon ng mahal niya sa buhay. Ang balita, ang matandang Domingo ang tumulong na mag-ayos ng kasal ba ‘yon ni Borreta sa asawa niya? Kaya’t siguradong makapagpipiyansa si Buan dahil magbabayad ng utang na loob si Borreta? Hindi naman siguro totoo ang tsismis na ‘yan, di ba mga suki? Kasi nga, hindi isusugal ni Borreta ang kinabukasan niya sa Hudikatura para lang sa kaso ni Buan.
Ang masama niyan, umaalsa ang mga botante sa Mandaluyong sa balitang magpipiyansa si Buan. Nais kasi ng mga magulang sa siyudad na manatili si Buan sa kulungan para hindi na mahawa ang kanilang mga anak. Sa ngayon, medyo mababa ang kaso ng droga sa siyudad, ayon sa talaan ng local na pulisya, at ang paglaya ni Buan ay maaaring maging daan para yumabong ang bisyo sa kalye.
Kapag nasa entablado ang mga kaalyado ni Buan, ang palagi nilang sinasabi ay na frame-up lang ang manok nila ng kalaban sa pulitika. Parang sirang plaka sila. Maaring sa korte ay may lusot si Buan sa pagka-positive ng urine samples niya ng sangkap ng shabu at ecstasy subalit sa mata ng publiko paano niya maipaliwanag ito? Positibo sa shabu at ecstasy ang ihi ni Buan na ang ibig sabihin ay gumagamit siya ng droga. At ‘yan ang isa pang dahilan kung bakit dumarami sa mga botante ng siyudad ang tumututol na maging mayor nila si Buan. Ano na lang ang kinalabasan ng kabataan at maging ang ekonomiya ng siyudad kung si Buan na drug user ang lider nila? Imbes na Tiger City magiging Drug City ang Mandaluyong? Kaya kahit ano pa ang boladas ng kampo ni Buan, tiyak tatanggihan siya ng mga botante ng Mandaluyong. Abangan!
- Latest
- Trending