HINDI maganda ang magiging bunga kung magkakaroon ng tuition hike sa darating na school year 2010-11. Tiyak na maraming magulang at estudyante ang mag-aalburuto lalo pa ang mga naapektuhan ng tagtuyot dahil sa El Niño. Sa dakong huli, baka mapilitan na lamang na patigilin ng magulang ang kanilang mga anak na mag-aral.
Sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Emmanuel Angeles na marami na silang natatanggap na request mula sa mga unibersidad at kolehiyo para magtaas ng tuition fee. Kasalukuyan na raw nilang kinukumpleto ang listahan ng mga school na nag-request para magtaas ng tuition. Kapag nakumpleto ang listahan ng mga school na magtataas ng tuition ay ihahayag nila ito.
Kapag pinayagan ng CHED na makapagtaas ng tuition ang mga school, maaaring lumikha nang malaking problema. Maging maingat sa pagpapasya ang CHED at timbangin kung dapat nga bang magtaas ng tuition ang isang school. Maraming isang kahig, isang tuka ang buhay at iginagapang lamang ang kanilang mga anak para makapag-aral. Nararapat na magka-roon ng kunsultasyon ang school sa mga magulang bago magtaas ng tuition. Ang kara-karakang pagtataas ay hindi dapat.
Isang halimbawa na lamang ay ang nangyaring protesta ng mga estudyante sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa balak na pagtataas ng tution. Naging marahas naman ang mga estudyante sa PUP at pati mga silya at iba pang gamit sa unibersidad ay sinunog. Sinampahan na ng kaso ang mga estudyanteng nagsunog at ipinahayag ng PUP na hindi na itutuloy ang balak na pagtataas ng tuition. Ganunman, hiniling ng PUP sa CHED na dagda-gan ang pondo sa naturang state university. Kawawa naman ang mga estudyante sapagkat kulang sa mga kagamitan kagaya ng computer.
Pag-aralang mabuti ng CHED ang mga kahilingan ng private schools ukol sa pagtataas ng tuition. Kung sa nakaraan ay naging maluwag ang CHED at hinayaan ang mga pribadong eskuwelahan na magtaas, ngayon ay mag-isip-isip muna sila. Wala sa lugar kung basta sasang-ayon. Ang padalus-dalos na balak ay masama ang kinahahantungan.