Ilang estudyante parang halimaw na
NAKAKADISMAYA ang napanood kong kaguluhan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) kung saan pinagsisira ng ilang estudyante ang mga silya at iba pang gamit at saka sinunog. Parang mga halimaw na sa tingin ko ang mga estudyante na siguro pati building ng PUP ay gusto nilang sirain.
Ganito na ba ngayon ang pag-uugali ng ilang estudyante. Balita ko mga scholar ng bayan ang mga estudyante. Hindi lamang school at ari-arian ang kanilang winasak kundi pati respeto sa mga nakatataas. Ayaw nilang makinig at binalewala ang mga alagad ng batas.
Natakot ako sa kahihinatnan ng ipinakitang kainitan ng ilang estudyante. Sa palagay ko, dapat nang supilin kaa-gad ang ganitong pag-uugali ng mga estudyante habang maaga. Sobra ang ipinakita nilang karahasan na parang mga halimaw. Wala na kayang natutuhan sa kanilang mga magulang ang mga batang ito.
Ang balak na pagtataas ng tuition fees ng PUP ang dahilan ng karahasan. Hindi raw dinidinig ng mga namumuno ng PUP ang kanilang mga hinaing. Inasahan daw nila na didinggin ng kanilang superiors ang pakiusap nilang huwag magtaas ng tuition fees at iba pang gastusin.
Ang lahat ng ito ay dahil sa kakulangan ng komunikasyon. Ang nangyari ngayon, lumalabas na ang may kasalanan ay ang school. Pumayag na kasi ang PUP na huwag nang magtaas ng tuition fees. Sinampahan naman ng kaso ang limang estudyante na namuno para manira ng mga ari-arian.
Para sa akin, kailangang magbigay ng sapat na budget ang gobyerno sa PUP para sumagot sa pangangailangan ng mga estudyante. Dapat ay regular ito at hindi lamang pa-minsan-minsan ito upang maiwasan ang gulo. Sa ilang estud-yante ng PUP, sana naman, huwag kayong mag-asal halimaw.
- Latest
- Trending