SIMULA nu’ng Ash Wednesday, lahat ng Biyernes ng Lent, at sa darating na Mahal na Araw, mag-aayuno (fasting) at mangingilin (abstinence) ang mga Kristiyano. Ang una ay ang sadyang pagbawas ng kain; halimbawa, hindi pag-almusal o kaya’y pagsasabaw lang sa hapunan. Ang huli ay ang pag-iwas sa karne (baboy, baka, kambing, tupa, manok). May kabutihang dulot sa kalusugan. Nasusunog ng nag-aayuno ang sobrang asukal sa katawan, napapababa ang cholesterol, at napapalinis ang dugo (pero pag sobrang tagal naman, sumusungit siya). Siyempre mabuti rin sa katawan kung puro gulay at isda lang muna ang kainin ng nangingilin.
Pero sa iba’t ibang relihiyon ang pag-aayuno at pangingilin ay pagsasakripisyo para sa kapatawaran ng kasalanan at pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos. Sa mga Bahá’í ang pag-aayuno ay sa buwan ng Ala, Marso 2-20. Araw-araw nag-aayuno ang Buddhist monks, maka-pananghalian, para mapadali mag-meditate. Sa mga Muslim tuwing Buwan ng Ramadan at iba pang sagradong araw, ang pag-aayuno ay mula pagsikat hanggang paglubog ng araw.
Sa ilang Kristiyano, moderno na ang pangingilin. Kasama na sa mga iniiwasan ang mga bisyo: Alak, sigarilyo, sugal at babae.
Kamakailan merong umikot na PowerPoint presentation sa Internet. Nagpapayo ng pitong kakaibang paraan ng pag-aayuno at pangingilin:
(1) Mag-ayuno sa galit. Pagkalooban ang pamilya ng dagdag na pagmamahal. (2) Mangilin sa paghuhusga sa kapwa. Bago manghatol, alalahaning pinalalampas ni Hesukristo ang mga mali mo. (3) Mag-ayuno sa panlulumo. Panghawakan ang pangako ni Hesukristo na may plano Siya sa buhay mo. (4) Mangilin sa pag-angal. Pumikit at gunitain ang mga kaligayahang idinulot ng Diyos. (5) Mag-ayuno sa ngitngit o sama ng loob. Sikapin patawarin ang mga nakasakit sa iyo. (6) Mangilin sa labis na gasta. Bawasan ang gastusin nang 10% at ibigay sa mahihirap ang natipid. (7) Dagdagan ang oras sa pagdarasal — ang pakikipag-kuwentuhan sa Diyos.