Military junta? Excuse me!
ANG isda ay nahuhuli sa bibig. Lumang kasabihan na hanggang ngayon ay may kahalagahan pa rin. Sa pahayag ng tagapagsalita ni President Arroyo, nakikita ko na ang plano niya kapag nagkaroon ng failure of elections. Na maaaring mamuno raw ang militar sa pamamagitan ang isang military junta habang wala pang halal na pangulo sa bansa.
Isang military junta, mula sa tagapagsalita ng Arroyo. Subukan ninyong banggitin ang salitang military junta sa taga-Myanmar. Tingnan natin kung maganda ang masasabi niya sa ganung klaseng pamumuno sa kanilang bansa. Tingnan natin kung sasang-ayon siya na walang pang-aapi at pang-aabuso ang militar. Na walang nakukulong nang basta-basta. Na may demokrasya. Subukan ninyong itanong lahat iyan sa taga-Myanmar.
Kaya may karapatang mangamba ang marami sa pagtatalaga ni Arroyo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno at iba’t ibang service ng AFP at PNP ang mga PMA Batch ’78 kung saan ampon na miyembro ang presidente. Halos lahat ng sangay ng AFP ay pinamumunuan ng isang miyembro ng nasabing Batch ’78. Kaya kung sakaling mangyari nga ang kapalpakan ng eleksyon, naka-puwesto na sa lahat ng mahalagang posisyon sa gobyerno ang mga kasanggang heneral ni Arroyo!
Hindi ako makapaniwala sa pahayag ni Charito Planas. Wala ba siya noong martial law sa Pilipinas? Hindi ba niya alam kung gaano ka-allergic ang mamamayang Pilipino sa salitang martial law? Kaya nga ayaw ng taumbayan iyan! Dahil nga sa Myanmar! Hello?
May mga tumutol na heneral sa ganung sitwasyon kung sakaling magkaroon ng failure of elections. Magaling. Sana nga ay may mga natitira pang tunay na sundalo na magtataguyod ang konstitusyon. Na susuporta sa isang tunay na demokrasysa at sa isang halal na gobyerno. Na ang kapangyarihan ay galing sa mamamayan. At para sa mamamayang Pilipino, dapat tutulan ang ganitong sitwasyon. Dapat barahin ang ganitong pag-iisip ng Palasyo. Dapat labanan ang anumang kilos ng militar na malagay sa kapangyarihan. Dapat matuloy ang eleksyon!
- Latest
- Trending