KAPANSIN-PANSIN na dumami ngayon ang mga pribadong sasakyang may sirena at blinkers. Kapag gitgitan sa trapiko, biglang aatungal ang sirena at magbi-blink na. Ang mga kasabay na motorista, sa pag-aakalang awtorisado ang may sirena at blinkers, tatabi para pagbigyan ang sasakyang pribado. Lusot na sa trapik.
Pero may babala ang Philippine National Police (PNP) sa mga sasakyang may sirena at blinkers. Huhulihin daw ang mga ito on the spot. At lalo silang maghihigpit sa mga sasakyan ng kandidato na gagamitin sa pangangampanya. Sabi pa ng PNP, para mapalalakas ang kanilang kampanya laban sa mga sasakyang may sirena at blinkers, makikipag-ugnayan sila sa Land Transportation Office (LTO). Wala raw silang palulusutin sa kampanya nila laban sa mga gumagamit ng sirena, blinkers at iba pang gadgets.
Ang alam namin matagal nang bawal ang pagkakaroon ng sirena, blinkers at iba pang gadget sa sasakyan. At nakapagtataka na ngayon lang yata napansin ng PNP na maraming pribadong sasakyan na may sirena at blinkers at ginagamit para makapagyabang. Ginagamit din ng ilang mayayabang para makalusot sa trapik. Kapag nga naman narinig ng kapwa motorista na may sirena, aakalaing pulis, NBI o taga-LTO ang may-ari ng sasakyan kaya tatabi para bigyang-daan ang may wangwang. Huli na para malaman, na isang mayabang na anak ng mayaman o anak ng pulitiko ang dumaan. Napakarami nang gumagawa nito at walang pulis na pumipigil sa mga hambog.
Ngayon ay makikita kung hanggang saan ang tapang ng PNP para hulihin ang mga may wangwang. Titingnan natin kung kayang hulihin ng pulis ang mga anak ng police general, congressman, senator na may wangwang ang sasakyan.
Sana nga ay maipatupad ng PNP ang kampanya laban sa mga sasakyang may blinkers at sirena. Sana ay hindi ningas-kugon ang kampanya para naman mapaniwala ang taumbayan. Mahirap kasi sa mga awtoridad, magkakaroon ng kampanya at masigasig sa una, pero habang tumatagal, nawawala na. At nagsasawa na ang taumbayan sa ganitong sistema.
Kung nais ng PNP na maibalik ang tiwala ng taumbayan, ipakitang kaya nilang ipagpatuloy ang nasimulan hanggang sa tuluyang malutas ang problema sa lipunan.