Hinayaan kasi
KASO ito ng isang parselang lupa na may sukat na 2,046 metro kuwadrado, nasa Tagaytay City at sakop ng isang 90 taong kontrata ng pangungupahan sa lupa. Nag-umpisa ang kontrata noong Nobyembre 5, 1968, sa pagitan ng orihinal na may-ari, sina Patsy, Nick at Zeny pabor sa kompanyang ESSO Eastern (Esso Standard Eastern Inc.), isa itong dayuhang kompanya na may lokal na kompanyang tagapamahala, ang ESSO Phil. Nakalagay sa kontrata na bawal ilipat sa ibang tao o kompanya ang karapatan sa pag-upa sa lupa maliban na pumayag ang magkabilang panig o kaya ay kung ililipat ang karapatan sa kompanyang Standard Oil Co. o sa mga kompanyang sakop nito.
Noong Disyembre 21, 1977, ibinenta ng ESSO Eastern ang shares nito sa ESSO Phil. sa kompanyang PNOC (Philippine National Oil Corporation) pati na rin ang karapatan sa pag-upa sa lupa. Hindi isinali ang mga may-ari ng lupa sa pag-uusap ngunit nalaman din naman nila ang pagpapalit ng pangalan ng kompanya mula ESSO Phil. hanggang maging Petrophil Corporation at bandang huli ay naging Petron. Malinaw na paglabag ito sa kondisyones ng kontrata dahil hindi naman pumayag ang mga may-ari. Gayunpaman, patuloy pa rin nilang tinanggap ang upang ibinabayad para sa lupa.
Pagkatapos ng 16 na taon, ibinenta ng orihinal na may-ari ang lupa kay Mario. Nalipat sa pangalan ni Mario ang titulo ngunit nakatatak pa rin dito ang tungkol sa kontrata ng pag-upa ng ESSO Eastern sa lupa. Noong Disyembre 21, 1998, sinulatan ni Mario ang Petron upang paalisin na sa lupa. Ayaw umalis ng kompanya kaya dinemanda ito ni Mario upang mapawalang-bisa ang kontrata ng pag-upa at mabawi ang posesyon sa lupa. Argumento ni Mario, nilabag ng kompanya ang kondisyones ng kontrata noong Disyembre 23, 1977 nang ibenta ng ESSO Eastern ang ESSO Phil. sa PNOC at hindi man lang ipinagpaalam o hiningi ang pahintulot ng dating may-ari sa paglilipat ng karapatan sa lupa. Tama ba si Mario?
MALI. Siyembre, nang binili ng PNOC ang ESSO Phil., natural na nalipat sa PNOC ang anumang interes ng ESSO Eastern sa ESSO Phil., kasama na rito pati ang karapatan sa pag-upa sa lupa. Ngunit dahil hindi naman pumayag ang orihinal na may-ari sa paglilipat ng karapatan, talagang nilabag ng ESSO Eastern ang kondisyones ng kontrata.
Kaya lang, kahit pa nilabag ng kompanya ang kondisyones ng kontrata, hindi naman na-ngangahulugan na nawalan na ito ng bisa. Binigyan lang ang may-ari ng karapatan na paalisin ang umuupa sa lupa alinsunod sa batas (Art. 1673, par. 3 Civil Code). Ngunit dahil patuloy na tinanggap ng orihinal na may-ari ang upa sa lupa at pagkatapos ay ganoon din ang ginawa ni Mario, nangangahulugan ito na isinuko na nila ang karapatan nila na paalisin ang kompanya alinsunod sa kontrata.
Kahit si Mario ay may kasalanan din sa nangyari. Nagsampa siya ng reklamo 22 taon matapos malipat sa PNOC ang karapatan sa pag-upa sa lupa at mahigit 6 na taon matapos niyang mabili ito sa orihinal na may-ari. Ang mahigit dalawang dekadang lumipas ay sapat na upang pumasok ang kaso sa sampung taon na palugit sa pagdedemanda sa mga pinirmahang kontrata na idinidikta ng ating batas (Article 1144(1) Civil Code). (Mariano vs. Petron, G.R. 169438, January 21, 2010).
- Latest
- Trending