Boto ang bibilangin, hindi survey
Kung hindi pa tanggap ng kampong Aquino at Villar ang mensahe ng huling Pulse Asia Survey (Feb. 21 to 25), siguro nama’y maiintindihan na nila ngayon na kinumpirma rin ito ng SWS (Feb. 24 to 28). Binabandera man ng pahayagan na nagpang-abot na ang dalawa, ang tunay na balita ay ang katotohanang patuloy ang bagsak nina Aquino at Villar habang ang rating naman nina Estrada at Teodoro ay kumpirmadong umaakyat.
(-6) at (-1), ito ang kritikal na numero sa pagplakda nina Aquino at Villar. Sa SWS ay -6 (42 down to 36) ang binagsak ni Noynoy habang sa Pulse ay -1 (37 down to 36). Baliktad naman si Manny, -6 ang bagsak sa Pulse (35 down to 29) at sa SWS, -1 (35 down to 34).
Ayon sa mga analysts, kina Erap at Gibo napunta ang mga nawalang suporta ng dalawang bandera. Sa Pulse ay (+6) si Erap at (+2) si Gibo habang sa SWS ay parehong (+2) sina Estrada at Teodoro.
Nung Lunes lamang lumabas ang SWS findings. Nakakagulat ang resulta: Sa lahat ng kategorya ng botante (A-B-C-D-E), bagamat nangunguna pa rin si Aquino sa laban, ang kanyang rating ay bumaba “across the board”. Si Villar din ay humina sa A-B-C at E habang steady lang sa D. Ang rebelasyon ay kung saan pumulot sina Erap at Gibo dahil sa Class A-B-C nagpick-up ng 4 puntos si Estrada habang si Teodoro naman ang pinakamalaki ang dinagdag sa Masa o D-E ng 5 puntos!
Kung ang tututukan lang sa survey ay kung sino ang nangunguna, talagang hindi mapapansin ang mga pagbabagong nagaganap sa pagitan ng mga humahabol na makaka-apekto rin sa kalalabasan ng karera. Ang survey ay mahalagang instrumento na ang pangunahing pakinabang ay ang pagiging gabay para sa mga kandidato.
Bilang mga botante, ang interes natin sa resulta ng survey ay dapat pang impormasyon lamang. Hindi tayo magiging tapat sa adhikaing makilahok sa proseso sa isang makabuluhang paraan kapag ang ating pagpasya sa presinto ay iasa na lang sa kung sino ang nanguna sa pinakahuling survey.
- Latest
- Trending