DAPAT nang seryosohin at asikasuhin ng pamahalaan ang pagbalangkas at pagpapatupad ng komprehensibong “disaster management program” sa ating bansa.
Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) re-electionist senator Jinggoy Ejercito Estrada kasunod ng naganap na 8.8 magnitude na lindol na may kakabit pang tsunami sa Chile nitong nagdaang Pebrero 27.
Napakatindi ng idinulot na pinsala ng naturang kambal na kalamidad kung saan ay napakaraming namatay at tinatayang mahigit dalawang milyong katao sa nasabing bansa ang naapektuhan.
Ayon nga kay Jinggoy, hindi nalalayo ang sitwasyon ng Pilipinas sa Chile o sa iba pang bansang madalas dinadaanan ng malalakas na lindol. Bukod pa nga sa lindol ay madalas ding sumasalanta sa ating bansa ang mga bagyo, baha, sunog, epidemya at iba pang “natural and man-made disaster”.
Ang mga disaster na ito ay karaniwang nagbubunga ng pagkamatay ng maraming kababayan, pagkawasak ng mga ari-arian, tirahan, komunidad at mga pangarap, at nagpapadapa sa ekonomiya ng ating bansa.
Ayon kay Jinggoy, hindi tama ang naging polisiya ng pamahalaan na “response operations” o pagtugon na lang kapag nariyan na ang disaster.
Talaga naman kasing kailangang maging komprehensibo ang disaster program at ito ay dapat sumaklaw sa lahat ng aspeto ng pagharap sa anumang kaganapan, mula sa prevention, mitigation, preparedness, emergency operations, relief hanggang rehabilitation.
Ang panukalang “Comprehensive Disaster Management Act” ay inihain ni Jinggoy noong Agosto 2007 sa ilalim ng Senate Bill No. 699, at ito ay isinanib sa iba pang mga kaugnay na panukala sa ilalim naman ng consolidated Senate Bill na “Philippine Disaster Risk Management Act” at inaprubahan na kamakailan ng mga senador.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pag- papalahok sa mga private sector group, voluntary organization at katulad na samahan sa pagbalangkas at pagpapatupad ng disaster management program, kasama rin ang pagtatatag ng “national emergency alert system” sa tulong ng lahat ng umiiral na mga mass media communication facility sa ating bansa.