KAMI ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay kumpiyansang matatag ang magiging bagong administrasyon ni Presidente Erap sa bisa ng inaasahang panalo niya sa May 10 election.
Ayon nga kay Erap, walang basehan ang sinasabing pangamba na baka sa kanyang muling panunungkulan bilang presidente ay manggapang at magsabwatan na naman ang kanyang mga kritiko upang yanigin ang kanyang administrasyon at pabagsaking muli.
Matatandaang lumutang ang naturang pangamba kasunod ng pag-amin ni dating Securities and Exchange Commission (SEC) chairman Perfecto Yasay na isa siya sa mga nagamit na instrumento ng ilang grupo upang agawin ang posisyon ni Erap. Ang pag-amin ni Yasay ay dagdag na pagpapatibay sa noon pa alam at bistado ng taumbayan na katotohanan, na ang mga bintang kay Erap, ang impeachment laban sa kanya, ang “walk-out” sa impeachment trial, ang EDSA Dos, ang inapurang pagpapalit ng presidente ng bansa at ang iba pang kaugnay na pangyayari ay mga bahagi ng grand conspiracy laban sa Erap administration.
Malinaw naman kasi sa lahat na ang mga corrupt na pulitiko at mga elitista ay nasagasaan noon ng mga makabayan at maka-mahirap na polisiya ng itinuring na Ama ng Masa kaya’t nagtulong-tulong ang mga ito upang pabagsakin siya.
Kaya’t sa inaasahang pagbabalik ng Erap administra-tion ay wala nang mga katulad ni Yasay na malilinlang, mapapaikot at magagamit ng mga corrupt politician at elitistang grupo upang mu- ling tangkaing yanigin ang pamahalaan.
Dahil dito, tiyak nang magtutuloy-tuloy ang magagandang mga ideya, plano at programa ni Erap para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino laluna ng mga mahihirap nating kababayan.
Ang kapangyarihan ay kailangan nang bawiin mismo ng taumbayan sa pamamagitan ng darating na eleksyon, at protektahan upang hindi na muling maagaw ng mga tao at grupo na tanging pansariling interes lang ang iniintindi. Si Erap ay pursigi-dong ituloy at lalo pang pag-ibayuhin ang paglilingkod sa bayan.