Huwag masilaw sa ginto o salapi

MABAIT na hari si Midas, at patas ang palakad niya sa kaharian. Pero madalas siya padalus-dalos magpasya. Minsan habang namamasyal sa hardin natuklasan niyang naluray ang mga bulaklak nang higaan ito ng isang matandang satyr sa pagtulog. Humingi ng tawad ang engkanto, at pinagbigyan naman ni Haring Midas na batid ang pagod niya. Nang mabalitaan ng diyos ng mga satyr na Dionysus ang nangyari, nagpabuya siya kay Haring Midas na tuparin ang anumang hilingin. Sandali lang nag-isip si Haring Midas kung ano ang gusto at bumulalas: “Sana lahat ng hawakan ko ay maging ginto.”

Pumipihit paharap sa araw ang magagandang bulak-lak sa kanyang hardin, pero nang hawakan ni Haring Midas ay naging matigas at mabigat na ginto. Nagutom at nangayayat ang hari, dahil tuwing susubo siya ng pagkain ay nagiging ginto ito. Pati ang pinaka-mamahal na anak na dalaga ay tumigas na estatwang ginto sa haplos ng amang hari. Ang inumin niya, kama, damit, mga kaibigan at, di-naglaon, ang buong palasyo ay ginto na.

Nabatid ni Midas na ang buong kaharian niya ay magiging malamig na ginto kung hindi siya kumilos agad. Nagmakaawa siya kay Dionysus na ibalik lahat sa dating anyo at bawiin ang kanyang galing na gawing ginto ang anumang hawakan. Nang mapansin ng diyos na ma­lungkot at hiyang-hiya si Haring Midas, naawa siya at ibinigay ang bagong hiling. Bigla nawala ang mga ginto Haring Midas, pero pakiramdam niya’y yumaman siya sa mga bagay na tunay na mahahalaga.

Mainam gunitain ang alamat ni Haring Midas ngayong eleksiyon. Marami kasi sa atin ang nagbabalak mag­ benta ng boto sa mga tiwaling kandidato. Marami ring kandidato ang hindi magdadalawang-isip silawin ng pilak (salapi) ang botante. Pakatandaan sana ng lahat na hindi pera ang ma­halaga sa buhay, kundi dignidad, katapatan at kabutihan.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments