Unahan silasa listahan

INTERESANTE ang mga punto sa liham ni Frank Mangulabnan, chairman ng Bagong Alyansang maka­bayan-Pampanga Chapter. Aniya may bagong pagpapaikutan sa batas bunsod ng poll automation. Ganito ’yon:

Sa automation, bagong balota na ang gagamitin. Wala na ang mga blangkong guhit na pupunuan ng pangalan ng hinahalal. Sa halip, naka-print na ang pangalan ng mga kandidato, alphabetically, at kukulayan na lang ang bilog sa tabi ng pangalan ng hinahalal. Siyempre mauuna sa listahan ang mga kandidatong may apelyidong nagsi­simula sa letters A at B; halimbawa Aquino o Bondoc (hindi ako kandidato ha). Lamang sila dahil kadalasa’y nagmamadali ang botante mapunuan ang balota kaya unang mapapasadahan ang pangalan nila. Lugi naman ang mga may apelyidong nagsisimula sa R, S, T, U, V, W, X, Y AT Z; tulad ng Villar. Malamang may nakulayan na ang botante bago umabot sa pangalan nila.

Hindi nagustuhan ni reelectionist Sen. Ramon Revilla Jr., artistang palayaw ay Bong, ang bagong sistema. Sa buntot siya ng listahan kung R ang pagbabatayan ng apelyido niya. Kaya gumawa siya ng paraan. Dumulog siya sa korte at nagpabago ng apelyido; ginawang Bong Revilla, na screen name niya, kaya sa B na siya ililista.

Sa totoo lang hindi na sana dapat nagpabago ng apelyido si Revilla. Ginamit na lang niya sana ang tunay na apelyido niyang nagsisimula sa B; ang totoong pangalan niya ay Jose Mikael Mortel Bautista. Kaya lang merong masamang karana­ san sa pulitika ang ama niyang si Ramon Revilla, artista rin na nag-senador. Ginamit niya ang totoong apelyidong Bautista nang unang kumandidatong senador. Natalo siya dahil walang nakakakilala sa kanya sa pangalang ‘yon.

Kandidato ring congresswoman sa Cavite ang artis­tang asawa ni Bong Revilla na may screen name na Lani Mercado at totoong pangalan na Jesusa Victoria Hernan­dez-Revilla. Tiyak gagamitin niya ngayong pangalan sa balota ay Lani Mercado Bong-Revilla para sa B rin nakalista.

Show comments