KASO ito tungkol sa 6,299,179 shares of stock sa PCIB. Pag-aari ito dati ng FPHC hanggang sa ibenta ito sa TMEE, isang kompanyang pag-aari ng bayaw ni Marcos na si Kokoy Romualdez noong Mayo 24, 1984.
Ang shares ng kompanya ay itinuturing na kasama sa mga kayamanan na kinamkam ni Romualdez sa loob ng 20 taon na panunungkulan ni Marcos. Hinahabol ito ng PCGG at katunayan, nakabinbin ang kaso (Case No. 0035) sa Sandiganbayan.
Noong Disyembre 28, 1988, nagsampa ng kaso ang FPHC upang sumali sa paghahabol sa nasabing shares. Ayon sa reklamo, “dummy board” ang pumayag sa pagbe-benta ng mga shares. Dinaya raw ang kompanya at nama- ni-pula lamang ito ni Romualdez at kanyang mga galamay.
Nagsumite naman ng mosyon ang TMEE upang hingin sa korte na ibasura ang kaso ng FPHC. Ayon sa TMEE, alinsunod daw sa batas (Article 1391 Civil Code) ay may apat na taon lang ang FPHC upang maghabol sa kaso magmula ng magkabentahan noong Mayo 24, 1984 o hanggang Mayo 24, 1988. Paso na ang reklamo ng kompanya dahil mahigit na sa pitong buwan ng matapos ang karapatan nila sa pagsasampa ng kaso nang isampa ito noong Disyembre 28, 1988.
Katwiran naman ng FPHC, sa umpisa pa lang ay wala na raw bisa ang transaksiyon na inaprubahan ng “dummy board” kaya’t hindi raw nawalan ng karapatan ang kompanya na maghabol. Isa pa, kahit pa ayon sa batas ay binibigyan lang ang kompanya ng apat na taon upang maghabol sa kaso, ang nasabing apat na taon ay dapat bilangin magmula Pebrero 26, 1986 kung kailan natang-gal sa kapangyarihan si Marcos. Noon lang daw kasi natigil ang pananakot at karahasan na nakaamba sa FPHC. Tama ba ang FPHC?
MALI. Ayon sa FPHC, dapat ipawalambisa ang bentahan dahil sa umpisa pa lang ay may pandaraya na ginamit. Ayon sa ating batas (Article 1390 [2] Civil Code), hindi awtomatikong walang bisa ang mga kontratang tulad nito. Legal pa rin ang kontrata at maipapawalang-bisa lamang kung ipipilit ng isang panig na nagkaroon ng pandaraya. Ang apat na taong palugit upang magha-bol alinsunod sa batas (Article 1391) ay mula sa pagkakadis-kubre ng pandaraya.
Argumento ng FPHC, ang apat na taong palugit ay dapat bilangin magmula Pebrero 24, 1986 kung kailan natigil na raw ang pananakot at karaharasan na nakaamba sa kompanya. Hindi kapani-paniwala ang argumento ng kompanya dahil hindi naman ang pananakot at karahasan ang dahilan ng pagpapawalang-bisa ng bentahan kundi ang sinasabing pandaraya na ginawa ng TMEE. Hindi itinanggi ng FPHC na alam na nito ang nangyaring pandaraya magmula pa noong Mayo 24, 1984 kung kailan nagkapirmahan ng kontrata. Kung totoo nga ito, dapat ay gumawa man lang ng paraan ang FPHC upang habulin ang karapatan nila sa shares ng PCIB. Imbes na magsampa agad ng reklamo sa korte, parang itinuturing pa ng FPHC na walang mangyayari at wala silang tiwala sa legalidad ng batas. Taliwas ito sa dapat ikilos ng isang taong naniniwala na may karapatan siyang dapat ipagtanggol. Hindi sapat na dahilan ang sabihin na wala siyang tiwala sa ating hukuman para balewalain natin ang apat na taong palugit na idinidikta ng batas (First Philippine Holdings vs. Trans Middle East Equities, G.R. 179505, December 4, 2009).