ISANG enkuwentro ang naganap sa Sulu, kung saan anim na Abu Sayyaf ang napatay. Kabilang sa napatay ang lider na si Albader Parad. Ang grupo ni Parad ang dumukot sa tatlong Red Cross volunteers nung isang taon. Nagpakuha pa ng video para sabihin ang mga demand nila bago pakawalan ang tatlong RC workers. Malaking sakit ng ulo ang binigay ng taong ito sa bansa. Sumama na naman ang imahe ng bansa dahil dalawa sa tatlong dinakip ay mga dayuhan. Mga may edad na rin at may sakit pa yung isang dinakip! Hindi pa nga sigurado kung may binayarang pantubos kahit itinatanggi ng gobyerno. Bagama’t pinakawalan silang tatlo sa iba’t ibang pagkakataon, hindi ito dahilan para maabsuwelto si Parad para sa ginawa niyang krimen. At noong Linggo, siningil na siya. Yung tamang hustisya para sa isang katulad niya!
Nahuli na rin ang isang Sayyaf na sangkot sa pangingidnap ng 20 sa Dos Palmas Resort sa Palawan, kasama ang tatlong dayuhang misyonaryo. Napugutan si Guillermo Sobero bilang patunay sa intensyon ng mga bandido, at napatay naman si Martin Burnham nang nagsagawa ng rescue ang AFP. Nakakuha ng pantubos ang mga bandido para sa mga unang pinakawalan. Pera lang talaga ang pakay, at kunwari na lang ang ideolo-hiya at rebolusyon para sa sariling lupain para sa mga Muslim sa Mindanao.
Marami pa diyan ang dapat mapatawan ng ganitong klaseng hustisya para sa mga krimen na ginawa nila laban sa tao at sa bansa. Hindi lang mga Muslim na rebelde at terorista sa Mindanao, kundi pati na rin mga rebeldeng NPA at mga mararahas na kriminal. Napakadaling makatakas sa mga kulungan ng bansa. Kapag kakilala o kababayan o kapareho ng relihiyon ang nagbabantay sa mga nakakulong, malaki ang posibilidad na patatakasin na lang ito. Hindi pa natin binibilang mga maimpluwensiya at mayamang mga nakukulong. Madaling makasilaw ang pera, lalo na sa panahon ngayon. Kaya kung nasa tamang sitwasyon o enkuwentro at mababawian na ng buhay ang mga ganyang klaseng kriminal, tama na ang ganyang kla seng hustisya na rin para sa kanila. May kasabihan nga na kapag mamuhay ka sa espada, mamamatay ka rin sa espada. Sa kaso ni Parad, naningil na ang hustisya sa kanya.