"Mga anghel na naputulan ng sungay"

WALANG takot na humarap sa amin ang mga batang tinagurian naming ‘Mga anghel na may sungay’ na aming naisulat noong nakaraang buwan kasama ang kanilang magulang. Ang mga batang itinago namin sa pangalang “Den” 16 anyos, “Aice” 13 taong gulang at ang dose anyos na si “Monika” ay nagsalita ng kanilang mga saloobin sa aming tanggapan.

Mga nakakagulat na rebelasyon na maski na ang pamilya na nagreklamo sa mga “masasamang ugali” ng tatlo ay nabigla ng madinig nila ito sa kauna-unahang pagkakataon.

Sa murang edad ng mga anak ni Elvy ay madalas umano itong magpakalasing sa alak at manigarilyo.

Si Den ay namuhay ng kasama ang kanyang mga barkadang menor de edad din. Si Aice naman umano’y hindi na mabilang ang mga lalaking nakarelasyon habang natutoto naring uminom at manigarilyo si Monika tulad ng kanyang mga ate.

Isang taon ng ganito ang ‘tatlong dalaginding’ ni Elvy. Hindi na niya malaman ang gagawin, hilong hilo na siya kung saan hihingi ng tulong para maiayos ang lagay ng mga anak niyang naliligaw ng landas.

Lumapit siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), San Pablo maging sa Philippine National Police (PNP), San Pablo subalit ayaw siyang makialam ng mga ito dahil ang problema raw na ito ay simpleng pampamilya.

Hindi tumigil si Elvy ,lumapit siya sa aming tanggapan, nagbaba­kasakaling matulungan namin siya.

Una na naming nairefer si Elvy sa tanggapan ni Usec. Alice Bala DSWD, Central Office sa Legarda sa pag-asang baka mailagay sa kanilang pangangalaga itong tatlong dalagita at sumailalim sa isang diversion/redirection program upang maitama ang kanilang masasamang ugali.

Ika-29 ng Hunyo, bago naming tuluyang hilingin sa DSWD na kunin na ang mga bata biglang lumitaw ang mga ito sa aming tanggapan. Hiniling ko sa aming mga ‘staff’ na isa-isa silang kausapin ng sarilinan upang aming maunawaan kung ano ba talaga ang problema nila at puro sila mga pasaway sa kanilang lola at nanay.

Ayon sa mga ito, ang pinag-ugatan ng kanilang pagrerebelde ay ang halimaw sa loob ng kanilang bahay. Ang kanilang tiyuhin na ang pangalan ay Mario. Minumulestiya umano sila nito sa tuwing lumilipad ito sa tama ng Shabu’.

Sampung taong gulang palang umano si Aice ng himasin ni Mario ang kanyang dibdib at naulit umano itong naulit.

“Natutulog po ako nun katabi si ate Den maramdaman kong merong humahawak sa dibdib ko. Nagising nalang akong nakapatong na ang kamay ni Tiyo Mario, hinihimas niya na ang aking s*8o!” pagsasalarawan ni Aice.

Siniwalat din sa amin nila Den at Monika na nakaranas din umano sila ng ganitong klaseng pagmomolestiya sa malilikot na kamay ng kanilang tiyo. Kaya naman mas minubuti nilang makitulog sa kaibigan kesa sa bahay ng kanilang lola kung saan nandun si Mario.

Ang hinanakit naman ni Den, lagi umano siyang pagbintangan na nagnanakaw ng kanyang lolang si Constancia. Kapag may nawawalang pera o gamit sa kanilang bahay.

“Nung may mawala pong perang nagkakalagang Php4,000 ako na po agad ang pinagbintangan. Walang sabi-sabi pinalayas kami sa bahay, magnanakaw daw kami! Sino naman ang gustong umuwi sa isang bahay kung saan ang tingin sa’yo ay isang magnanakaw na hindi pagkakatiwalaan,” hinaing ni Den.

Ito ang dahilan at naisipan nilang layasan ang kanilang bahay at makitira nalang sa kanilang kaibigan. Gustuhin man nilang umuwi walang mangyayari dahil walang permanenteng tirahan ang kanyang ina at nakikitulog lang ito sa kanilang lola ang mangyayari makikita lang nila ang kanilang tiyuhing malikot ang kamay. Saan nga naman sila lalagay?

Ayaw din naman nilang manatili sa DSWD kung saan ang tingin nila ay naparusahan sila gayung biktima silang tatlo ng malupit na katotohanan na ang kanilang tahanan ay hindi wastong lugar para sa tatlong nagdadalaga.

Mabilis naming ipinaliwanag na hindi rin naman ang lansangan o bahay ng kanilang barkada ang dapat nilang kalagyan. Isang sitwasyon ang kanilang hinaharap na maihahambing mo sa pagpili sa pagitan ng “The devil and the deep blue sea”.

Inere namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00ng hapon) ang istorya ng magkakapatid na Den, Aice at Monika.

Sa mga pagkakataong ito namin naramdaman ang hirap na hinaharap nitong tatlong dalagita. Naisip rin na­min na ilan pa sa ating mga kaba­bayan na sinasapit ang ganitong mapait na kapalaran. Hindi man namin kayang tulungan sila subalit ginawa namin ang aming makakaya upang matulungan sina Den, Aice at Monika.

Nangako naman sina Den, Aice at Monika at umiiyak na sinabi sa amin na gusto nilang magkasama silang isang masayang pamilya subalit hindi sa bahay ng kanilang lola na hindi panatag at puno ng pangamba. Walang namang kakayahan ni Elvy na ilagay ang kanyang mga anak sa isang bahay dahil wala siyang sapat na pera pambayad ng renta.

Sa ganitong uri ng kakaibang suliranin iba namang “approach” ang naisip na naming gawin dahil sila’y taga San Pablo, Laguna naisipan namin ilapit sila sa ama ng San Pablo City na si Mayor Vicente Amante. Gumawa kami ng liham upang i-endorso ang bata pati na rin ang kanilang ina na si Elvy. Upang masigurong aaksyunan ni Mayor Amante ang aming ‘referral’ pinakiusapan namin si Mayor Calixto Cataquiz ng San Pedro, Laguna dahil alam naming ang dalawang Mayor na ito’y personal na magkaibigan.

Kinabukasan dala ang aming liham nagpunta ang pamilya ni Elvy kay Mayor Amante at kami’y umaasa na isang permanenteng solusyon ang naibigay namin sa problemadong buhay nitong tatlong anghel na nagkaroon ng sungay at ang kanilang ina upang sila’y makapagsimulang muli, mamuhay ng normal at higit sa lahat masayang magkasama.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN. Maari din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa numerong 7104038.

* * *

Email: tocal13@yahoo.com

Show comments