NANGYARI na rin ang matagal nang pinangangambahang spillover dito sa Davao City ng gulo sa Maguindanao sa pagitan ng mga Ampatuan at Mangudadatu clan. Noong nangyari ang November 23 massacre iisa lang ang nasa isip ng mga taga-Davao— tiyak na magkaroon ng spillover dito kasi nga kapwa may maraming bahay dito ang mga angkan ng Ampatuan at Mangundadatu. Dito rin nag-aaral ang kani-kanilang mga anak.
At nagkatotoo nga ang pangamba ng karamihan ukol sa spillover at sa sinasabing ‘Rido’ noong Huwebes ng gabi nang napatay ng dalawang police escorts ni Maguindanao gubernatorial candidate Esmael “Toto” Mangundadatu si Tamano Kagi Kamendan na kilalang trusted aide ni former Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr.
Nagpang-abot na nga ang Mangundadatu at isa sa mga tauhan ni Ampatuan. At ang masaklap ay nangyari ang patayan sa loob ng mataong children’s wear section ng fourth floor ng JS Gaisano South Mall dito sa Ilustre Street.
Nasampahan na ng kasong murder si Mangudadatu at ang dalawa nitong police escorts sa pagkamatay ni Kamendan.
May dalawang version nga ang istorya. Iba ang pahayag ni Mangudadatu sa kwento ng asawa ni Kamendan na naging basehan ng murder complaint na sinampa ng Davao City police office kay Mangudadatu. Kaya, sa korte na sila magkita.
Sabi ni Mangudadatu tinangka raw ni Kamendan na hablutin ang anak niya na nang sila’y magpang-abot na naging dahilan ng pagtugis ng bodyguards niya sa biktima. At kaya nga raw naghabulan at nagkagulo kasi nga tinangkang agawin ni Kamendan ang baril ng isa sa mga bodyguards ni Mangudadatu.
Ayon naman sa asawa ni Kamendan, narinig daw niya si Mangudadatu na inutusan ang kanyang mga bodyguard na barilin ang biktima.
Simula pa lang ang nangyari sa JS Gaisano South Mall. Tiyak na hindi pa tapos ang bangayang Ampatuan at Mangudadatu. Malalim iyon at kahit kaunting galaw lang ng kahit sino sa kanila ay tiyak na maging triggering point na naman yon sa panibagong enkwentro kung hindi patayan kahit saan man silang lugar magpang-abot.
Sinabi ni Mayor Rodrigo Duterte na hindi naman niya puwedeng pagbawalan ang dalawang pamilya na huwag nang pumasok ng Davao City gayong karapatan nila ito at walang batas na nagbabawal sa kanila kung saan sila titira hangga’t sila ay maging law-abiding citizens. Ito ay maging Ampatuan o Mangudadatu man, ayon kay Duterte.
I just could imagine the trauma ng tatlong batang anak ni Mangudadatu na kasama niya noong nangyari ang insidente sa mall. Kasi nga hindi pa sila tapos sa kanilang counseling dahil sa trauma ng pagkamatay ng kanilang inang si Genalyn, noong November 23 massacre, at heto ngayon naging witness naman sila sa isang patayan sa loob pa mismo ng mall.
Pagdating ko nga sa crime scene sa fourth floor ng mall nakita ko agad ang mga mata ng tatlong bata na parang takot na para bang tulala na blanko ang paningin. Naka-school uniform pa nga ang mga bata kasi kagagaling lang nila sa school nang sila ay nag-shopping sa mall.
Kaya nga dapat nang magkaroon ng review ng kung anong rules o guidelines regarding pagdadala ng baril sa loob ng malls, hotels, supermarkets, restaurants o maging anong establishments.
Nangyari na rin ang Rolex heist sa Glorietta 5 na kung saan naging tanong kung paano nakapasok ang high-powered firearms sa loob ng mall. At heto ngayon ang J.S. Gaisano South Mall incident na nakapasok nga ang mga baril ng dalawang bodyguards ni Mangudadatu dahil nakauniporme sila at exempted sila sa election gun ban.
Kasi ang existing rules daw ay depende sa establishment kung ano ang maging guidelines nila. Pero paano na lang safety ng mga nakakarami na isip ay safe nga sa loob ng malls dahil sa sobrang higpit kung makapag-frisk o search ng mga gamit ng mga customers na pumapasok, ngunit nalulusutan pala.
Ang tanong ay dapat bang irequire ang may mga dalang armas na ipapa-deposit sa kanila sa may pintuan pa lang o hanggang ipaparegister lang ba? Dapat bang mag-invest ang lahat ng establishments ng vaults o anong safety deposit box para sa safekeeping ng mga baril ng kanilang customers?
Huwag namang hintayin na magkaroon ng panibagong barilan sa loob ng malls bago aksyonan ng pamahalaan ng bagay na ito.