K APUNA-PUNA ang pagto-tour ni President Arroyo sa mga nakaraang araw. Nag-iikot siya sa mga newspaper publication at nagho-host ng dinner para sa mga editor at publisher. Nakikipagtsikahan sa mga sundalo. Ngayon lang niya ito ginawa at kung kailan limang buwan na lang siya sa puwesto.
Noong Martes, sinubukan naman niyang mag-tour kasama ang media mula Calamba, Laguna hanggang Mindanao Avenue, Novaliches. Nagdaan siya sa South Luzon Expressway (SLEX) at C-5 road. Ipinagmalaki niya sa mga mamamahayag na patu-loy ang construction ng mga kalsada. Ito raw naman talaga ang mahalaga para ma-modernisa ang eko nomiya. Mabilis ang pag-unlad kapag magaganda ang kalsada. Umabot lamang ng isang oras at kalahati ang paglalakbay ng Presidente mula Calamba hanggang Novaliches. Nasiyahan ang Presidente sapagkat mabilis ang biyahe. Wala raw sagabal.
Natural lamang na walang sagabal na mararanasan dahil Presidente ang nagto-tour. Wawalisin ng kanyang escorts ang mga hahadlang sa daan. Talagang mabilis lang na mararating ang patutunguhan kung may mga alalay.
Maganda naman ang naisip niyang tour kasama ang media dahil nakita niya ang mga ginagawang construction sa mga kalsada. Subalit mas magiging makatotohanan kung madarama ang tunay na naranasan ng mga pasahero kapag nagbibiyahe sa SLEX, EDSA at iba pang pangunahing kalsada. Subukin niyang magbalatkayo at magbiyaheng mag-isa kung rush hour. Makikita ang tindi ng trapik at makararamdam siya nang pagkabanas sa hindi kumikilos na trapik. Sa ganyang paraan, lubusan niyang madarama at mararanasan ang tunay na kalaga- yan ng mamamayan.
Bakit kaya hindi niya gawin ang ginawa nina dating President Manuel L. Quezon at Ramon Magsaysay na sumakay sa bus nang nag-iisa para lamang malaman ang dinaranas ng mga karaniwang tao habang nagbibiyahe? Isang bus umano ang sinuspende ni Magsaysay makaraang hindi isa- kay ang isang pasahero. Madalas daw nagbabalat- kayo ang dalawang dating Presidente para lamang makita at madama ang nararamdaman ng karaniwang mamamayan. Kaya kaya ng kasalukuyang presidente ang ganoon?