MUKHANG hinahanda na talaga ang Pampanga para tanggapin sa kanyang sinapupunan ang pinakamamahal nitong anak na si President Gloria Macapagal-Arroyo! Nagdesisyon na umano ang Comelec na ang tunay na nanalo sa pagka-gobernador ng Pampanga ay si Lilia Pineda, at hindi ang nakaupong si Among Ed Panlilio. Dumaan muna ang halos tatlong taon para masabi ito ng Comelec! Sa muling pagbilang ng mga boto, lumalabas na si Pineda nga ang nanalo sa halalan na ginanap noong 2007. Kaya ngayon, binibigyan si Panlilio ng limang araw para mag-file ng mosyon para sa konsiderasyon, kung hindi ay opisyal nang uupo si Pineda bilang gobernador ng Pampanga.
Nakapagtataka ang timing na naman ng desisyong ito. Una, ilang buwan na lang ay halalan muli para sa parehong posisyon. Pangalawa, nataon na tatakbo si President Arroyo para kongresista sa Lubao. Kapag nataon, kaharian na ng mga Arroyo ang lalawigan! Sa una pa lang ay alam na ng lahat ang tunay na pakay ng pagtakbo muli ni President Arroyo sa kanyang balwarte. Ito ay para malagay bilang punong ministro, kung sakaling magbago na ang sistema ng gobyerno rito. May nakapuwestong tao niya sa lahat ng sulok. Pati sa Korte Suprema ay gustong maglagay ng huwes na malapit kay President Arroyo.
Ilan lang ito sa mga halimbawa kung paano inaayos ni President Arroyo ang kanyang pag-alis mula sa Malacañang, at pagbalik sa Kongreso. Ilang beses na niyang dinalaw ang Lubao at nagpasimula ng ilang mga proyekto. Nagpagawa pa ng bahay! Natural siya ang maaalala kapag botohan na. Panay ang ikot na rin sa mga media para ipakita naman ang kanyang nagawang mabuti para sa bansa. Nagpapaalam sa iba, pero sa likod ng pag-iisip niya, alam na babalik sa Kongreso. Walang katapusang Arroyo sa gobyerno!