MALAKING isyu pa rin ang laban ng generics na gamot at branded na gamot. May kanya-kanyang opinyon. Alamin natin ang totoo.
Ano ang mura?
Halos 10 doble ang taas ng presyo ng branded kaysa sa generics. Kaya mas makatitipid dito ang pasyente. Ang generic na paracetamol ay 25 sentimos lamang bawat tableta kumpara sa Tempra na P3.00 ang isa.
Ano ang mabisa?
Parehong mabisa. Ngunit posibleng mas mabisa ng kaunti ang branded drugs laban sa generics. Maihahalintulad iyan sa hamburger. Masarap at nakakabusog ang hamburger sa Jollibee (P24 lang), pero ang hamburger sa magarang hotel (P250) ay mas masarap pa.
Ganoon din sa gamot. Sa aking palagay, may pailan-ilan na generic na gamot ang mas mahina ng 10-20% kumpara sa branded drugs. Nasasabi ko ito base sa 16 year experience ko sa pag-gamit ng generics sa aming Pasay Filipino-Chinese Charity Health Center na tumitingin sa 400-500 katao bawat medical mission.
Generic o branded ang pipiliin?
Simple lang ang sagot. Kung ikaw ay gipit sa pera, gumamit na lang ng generics. Gagaling ka rin. Ngunit kung ika’y may kaya sa buhay, puwede kang bumili ng mga branded.
Sang-ayon ako sa mga pribadong doktor tungkol sa issue ng kalidad ng gamot. Pero papaano naman ang mga mahihirap? Ang sabi lagi ng pasyente ko sa akin, “Dok, di namin kaya bilhin ang niresetang (branded na) gamot ng doktor ko.”
Bakit kaya pinipilit ni Dok magbigay ng branded na gamot kahit sa namumulubing pasyente? Ang isyu ba talaga ay kalidad?
Para sa kapakanan ng buong bayan (kung saan 70% ng ating mamamayan ay hindi makabili ng buong kurso ng gamot), mas mainam pang mag-generics na lang tayo. Bababa ang presyo ng gamot. At mara ming kaawa-awang Pilipino ang makikinabang dito.
Marami nang Generics Pharmacy at Botika ng Bayan na mabibilhan.
Good luck po!